DA: Murang sibuyas sa Kadiwa store tigil-benta na

DA: Murang sibuyas sa Kadiwa store tigil-benta na

January 13, 2023 @ 6:40 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Titigil na sa pagbebenta ng murang sibuyas ang Kadiwa ng Department of Agriculture (DA) simula ngayong Biyernes, Enero 13, ayon sa isang opisyal ng kagawaran.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista na natapos noong Disyembre 31, 2022 ang memorandum of agreement ng ahensya sa Food Terminal Inc. (FTI), ang supplier ng sibuyas.

“We have to make sure if we have to have supplemental MOA, then everything has to be in order to start the second cycle,” ani Evangelista nitong Huwebes.

Sinabi ng opisyal ng DA na nakikipag-usap ang ahensya sa FTI para sa ikalawang cycle ng supply ng sibuyas na ibebenta sa mga tindahan ng Kadiwa.

Ang mga tindahan ng Kadiwa ay nagbebenta ng pula at puting sibuyas sa halagang P170 lamang kada kilo, kumpara sa P600 hanggang P700 kada kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Sinabi ni Evangelista na binabantayan ng DA ang farm-gate price ng mga sibuyas, at sinabing nakatanggap ito ng mga ulat na ang farmgate prices ng mga bilihin ay nasa P210 hanggang P250 kada kilo.

Sinabi niya na posibleng mas mura ang mga sibuyas na ibebenta sa mga tindahan ng Kadiwa para sa ikalawang cycle. RNT