DA nagbabala sa mga magsasaka, mangingisda kontra email spoofing

DA nagbabala sa mga magsasaka, mangingisda kontra email spoofing

September 10, 2022 @ 9:02 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Binalaan ng Department of Agriculture-Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa at pinayuhan na maging bigilante laban sa “email spoofing” o kaduda-dudang emails na sinasabing mula sa ahensiya.

“Hindi nagpapadala ang ACPC-ACCESS ng anumang verification email sa GCash o kahit anong transaction na may kinalaman sa salapi,” ayon sa advisory nito.

Mahalaga pa rin na kaagad na i-delete ang kahalintulad na mensahe na matatanggap sa email accounts.

“Kung sakaling makatanggap ng ganitong email, siguruhing hindi ninyo pipindutin ang anumang button at mas mabuti na i-delete ito,” anito.

Sinabi pa ng departamento na ang “email spoofing” ay isang teknik na makasisira sa personal information ng isang tao.

Sa gitna ng scheme na ito, sinabi ng DA-ACPC na masusi nilang sinisiyasat ang insidente ng email spoofing at makikipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa nasabing bagay.

Sa ilalim ng Executive Order 113 s. 1986, tungkulin ng ACPC na tulungan ang Agriculture department sa aspeto ng “credit policies and programs.”

Responsable rin ito sa pagbibigay ng loan programs sa mga magsasaka at mangingisda na may zero interest na nakapaloob sa resonableng panahon upang matiyak ang epektibong “capital and production” para sa benepisaryo nito. Kris Jose