DA: Nagbebenta ng puslit na sibuyas, mananagot sa batas

DA: Nagbebenta ng puslit na sibuyas, mananagot sa batas

December 13, 2022 @ 5:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa mga nagbebenta ng smuggled o pinuslit na sibuyas sa online o sa mga pamilihan na ipagsasakdal sa paggawa nito.

Ang paliwanag ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez, hindi sila nagpalabas ng permit para mag-angkat ng white onions o puting sibuyas.

Ang mga mahuhuli naman na nagbebenta ng nasabing agricultural product ay awtomatikong ikakansela ang kanilang permit.

“Kapag imported at smuggled po ‘yan at kapag nakahuli tayo ng mga sinasabi natin na mga smugglers, kasama kayo sa accomplice kasi nakitaan kayo ng ebidensya,” ang wika ni Estoperez.

“May pananagutan ‘yan sa ating mga kababayan at sa aming monitoring team… Kung ano ang mangyari sa mga consumers, sagot ba nila? ‘Yan ang mga katanungan and even though nakabili ka nga ng mura pero mas mahal ang magpa-ospital,” aniya pa rin, tinukoy ang mga nagbebenta ng smuggled onions sa online.

Araw ng Lunes, Disyembre 12, sinabi ng DA na ang smuggled onions na nakumpiska ng mga awtoridad ay hindi angkop para ikonsumo o gamitin matapos na natuklasan na nagtataglay ito ng bakterya.

Aniya, ang first batch ng mga sibuyas na nakumpiska ay umabot sa 100,000 kilo na aniya’y susunugin o ibabaon sa lupa para mabulok.

Pinaalalahanan naman ni Estoperez ang mga bibili ng nasabing sibuyas na walang pananagutan ang gobyerno sa kung ano ang maaaring mangyari sa mga gagamit ng smuggled onion.

“‘Yung mga naglalabas sa merkado, paalala lang po, hindi namin sagot kung ano ang mangyari sa inyo kapag bumili kayo ng sibuyas o nagbenta ng sibuyas sa ating mga pamilihang bayan,” ayon kay Estoperez. Kris Jose