DA official na pumirma sa pekeng sugar import, nag-resign

DA official na pumirma sa pekeng sugar import, nag-resign

August 13, 2022 @ 9:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagbitiw na sa pwesto si Department of Agriculture (DA) for operations at chief of staff to the Secretary of Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian matapos  tukuyin ng Malakanyang na isa sa mga lumagda sa  illegal importation order ng 300,000 metriko toneladang asukal.

Sa Facebook Live, sinabi ni Cruz-Angeles na lumiham si Sebastian kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may petsang Agosto 11 kung saan humingi  ng paumanhin si Sebastian sa ginawa nitong pagpirma sa  Sugar Order No. 4 nang walang approval  o pahintulot ng Chief Executive.

Si Pangulong Marcos, isa ring  DA secretary ay naging chairman ng Sugar Regulatory Board.

Matatandaang, binasura ng Pangulo ang panukala na mag-angkat ng  300,000 tonelada ng  asukal.

“I sincerely offer my apologies, Your Excellency, for my having approved Sugar Order No. 4 on your behalf, and through the authority you have vested upon me,” ang nakasaad pa rin sa liham na ipinadala ni Sebastian  kay Pangulong Marcos.

“It has become clear that the same was not in keeping with your administration’s desired direction for the sugar industry. I take accountability and responsibility for its consequences,” dagdag na pahayag nito.

Ang kopya naman ng liham ni Sebastian ay ipinalabas sa media ng Office of the Press Secretary.

“Thus, I humbly offer to be relieved of my delegated authorities and the assignments and responsibilities in my capacity as Chief of Staff and Undersecretary of the Department of Agriculture,” ang pahayag ni Sebastian.

Nauna nang sinabi ni Cruz-Angeles na ilegal ang resolusyon na naglalayong mag-import ng 300,000 metriko tonelada ng asukal na nilagdaan sa ngalan ni Pangulong  Marcos,  dahil hindi nagpatawag ng anumang pagpupulong ang pinuno sa Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sinabi ni Cruz-Angeles na nilagdaan ni  Sebastian ang resolusyon sa ngalan ng Pangulo, na nakaupo rin bilang kalihim ng agrikultura, ngunit hindi pinahintulutan na gawin ito.

Samantala, muling iginiit ni Cruz-Angeles na “walang kamay” si Executive Secretary Victor Rodriguez sa nasabing kautusan na mag-angkat ng asukal.

“Ang lumalabas si ES pa ang nag-issue ng importation order. Magkaiba po ‘yun. Importation plan po ay precursor ‘yan bago magtalaga ang Sugar Regulatory Board ng importation order,” ayon kay Cruz-Angeles.

“Wala pong kinalaman si ES sa importation resolution ng SRB. Hindi po sya ang nag-utos ng pag-convene nito,” dagdag na pahayag nito.

Sa katunayan, si Rodriguez pa aniya ang  pumukaw sa atensyo ni Pangulong  Marcos  hinggil sa nangyaring board meeting at resolusyon.

“Right there and then gusto niya sana resolbahin ang isyu. Ang importation plan ay hindi importation order,” ang pahayag pa rin ni Cruz-Angeles. Kris Jose