DA sa mahal na presyo ng sibuyas: ‘Wag bumili ng isang kilo

DA sa mahal na presyo ng sibuyas: ‘Wag bumili ng isang kilo

December 28, 2022 @ 3:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Department of Agriculture (DA) ang mga mamimili na huwag bumili ng kilo ng sibuyas dahil sumirit ang presyo nito nang mahigit sa triple kumpara sa suggested retail price (SRP).

Sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na may ilang piling pamilihan sa Kalakhang Maynila ang nagbebenta ng P550/kg ng malaking sibuyas habang P440/kg naman ang maliliit na sibuyas.

Anito, ang SRP ng sibuyas ay P170/kg lamang habang ang farmgate prices ay pumapalo lamang sa P300/kg.

“To be reasonable on that and practical — pero mukhang maraming magagalit sa ‘kin — e ‘di ‘wag tayong bumili ng isang kilo, di ba? Kung ano lang ang makakaya nating bilhin, ayun muna,” ayon kay Estoperez.

Buwan ng Oktubre, nagtakda ang DA ng  SRP na P170 kada kilo ng pulang sibuyas sa mga wet markets sa National Capital Region, kasunod ng pagtaas ng presyo ng agricultural commodities.

Sa kabilang dako, sinabi ni Estoperez na titingnan pa ng DA kung may pangangailangan na umangkat ng sibuyas sa susunod na taon kung hindi magiging normal ang suplay ng nasabing produkto.

Nauna na kasing inanunsyo ng DA na hindi na nito kinokonsidera na umangkat ng sibuyas lalo pa’t inaasahan na nila ang pag-ani ng nasabing produkto sa Enero at Pebrero ng susunod na taon.

“Tignan natin this coming January and February na harvest season kung talagang ganu’n pa kanipis [ang supply]. Then let’s decide kung ano ang gagawin natin. Baka naman doon sa pag-produce natin, tanungin natin ang sarili natin, sapat ba talaga ang ating pino-produce o kailangan nating mag-angkat? Baka may problema rin tayo sa ating mga interventions sa pamahalaan kung bakit ganoon ang produksyon ng sibuyas,” ayon kay Estoperez.

Sinabi naman ni Estoperez na itutuon ng DA ang pansin nito sa posibleng interbensyon para sa nasabing kalakal kabilang na ang credit para sa mga magsasaka at bigyan ang mga ito ng tulong sa larangan ng “logistics, transportation, cold storage, at packaging.” Kris Jose