DA target magpalabas ng P6,600 fertilizer subsidy sa mga magsasaka ngayong Enero

DA target magpalabas ng P6,600 fertilizer subsidy sa mga magsasaka ngayong Enero

January 5, 2023 @ 7:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na target nitong magpalabas ng P6,600 subsidy sa mga magsasaka ngayong buwan, at hinihintay angsa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Yung atin pong binibigay po ngayon na abono na P6,600 per hectare sa atin pong mga magsasaka, yan po ay hindi pa po natin [ma]implement,” pahayag ni DA deputy spokesperson Assistant Secretary Rex Estoperez sa televised public briefing.

“This January we’re expecting itong, dry season po, mapatupad po natin yan” dagdag niya.

Hindi agad naipatupad ng DA ang programa dahil lampas ang kabuuang budget na P6,600 fertilizer subsidy kada ektarya sa pinapayagang budget na pwedeng ipalabas ng regional directors.

Dahil dito, kailangan ng permiso ni Marcos, ayon kay Estoperez.

“Yung P6,600 per hectare at maximum of two hectares ay masyadong mataas po ang budget na involved dyan na hindi na po sangayon sa signing authority ng regional directors,” sabi ni Estoperez.

“Hopefully, we are expecting na approval ng Pangulo yung P6,600 hectare sa atin pong magsasaka na mapirmahan na po yan nang sa ganun ma-implement na po natin. Hinihintay po natin ang approval ng ating Pangulo para nang sa ganun magawa po yung IRR nito,” dagdag niya.

Kapag naaprubahan, bubuo ang DA ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng programa. RNT/SA