DA, todo-depensa sa planong sugar importation sa gitna ng TRO

DA, todo-depensa sa planong sugar importation sa gitna ng TRO

February 19, 2022 @ 12:41 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Todo-depensa ang Department of Agriculture sa planong pag-angkat ng asukal matapos na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban dito.

Sa Laging Handa public briefing, tinukoy ni Agriculture Secretary William Dar na ang polisiya nito ay base sa data sa pakikipagtulungan sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“Ang aming mga polisiya sa importasyon ay base sa datos na kinakalap namin katuwang ang PSA. Ang argumento ng UNIFIED para sa desisyon dapat ay nakabase din sa datos,” ani Dar.

Tinanong kasi si Dar ukol sa kamakailan lamang na TRO na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 73 sa Sagay City, Negros Occidental laban sa naging kautusan ng DA na mag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng refined sugar.

Dahil sa court order, pansamantalang pinigil ng Sugar Regulatory Administration ang implementasyon ng “Sugar Import Program.”

Kapwa kasi kinontra ng Unified at Rural Sugar Planters Association Inc. ang programa ng DA .

Sinabi ni Dar na ang average monthly refined sugar withdrawal ay 82,562 metriko tonelada base sa pagkonsumo noong 2020 at 2021. kapag walang importasyon, ang bansa ay mayroon na lamang na balanseng 54,355 metriko tonelada.

“Ang refined sugar ang ating i-aangkat lamang. Kung walang importasyon, mayroon lamang tayong balance ng refined sugar of 54,355 metric tons, ayon sa Sugar Regulatory Administration,” ang pahayag ng Kalihim.