DA walang planong mag-angkat ng sibuyas

DA walang planong mag-angkat ng sibuyas

December 27, 2022 @ 3:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi ikinukunsidera ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng sibuyas sa kabila ng pagdoble ng presyo nito sa mga pamilihan mula sa suggested retail price.

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez nitong Martes, Disyembre 27, umabot na sa P520 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa ilang pamilihan sa Metro Manila habang ang farmgate price ay nasa P300 kada kilo.

Sa monitoring ng DA, ang presyo ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila ay nasa average na P500 kada kilo na.

Doble ito sa P170 kada kilo na SRP na itinakda noong Oktubre.

“Ang presyo naman, ang nagdidikta niyan ay supply and demand, so kung mahina ang supply mong nanggagaling po sa ating produksyon, ang presyo ay tataas,” sinabi ni Estoperez kasabay ng public briefing.

“Meron tayong supply, hindi sobra-sobra,” dagdag pa niya.

Ani Estoperez, mahihirapan silang diktahan ang presyo nito dahil sa mataas din na presyo ng produksyon at sa paghihigpit sa SRP, hindi na magbebenta ng sibuyas ang mga magsasaka.

“Mukhang sa enforcement, mahihirapan tayo dun kasi kung ilalagay natin sa ating mga kamay, ‘pag sabihin na natin, magdidikita, wala nang magbebenta niyan kasi mataas ang presyo ng puhunan nila,” aniya.

Sinabi pa nito na inaasahan naman ang harvest season ng sibuyas sa mga susunod na buwan ngunit hindi pa nila matukoy kung gaano ito karami lalo na sa mga nagdaang bagyo na tumama sa bansa.

“Sa ngayon po hindi pa natin kino-consider ‘yung pag-import ng sibuyas, lalung-lalo itong commodity ng sibuyas, at tinitignan natin kung saan tayo nagkukulang even though alam natin there are imperfections sa sistema natin,” muling pagdidiin nito. RNT/JGC