DAAN-DAAN NAMAMATAY SA KIDLAT SA INDIA

DAAN-DAAN NAMAMATAY SA KIDLAT SA INDIA

September 6, 2022 @ 6:25 PM 3 weeks ago


Kamamatay lang ang 17 katao sa iba’t ibang lugar sa bansang India dahil sa kidlat sa nakalipas na 24 oras.

Karamihan sa mga namatay ang residente ng Gaya district habang may mga namatay rin sa lima pang ibang distrito gaya ng Bhojpur, Aurangabad, Jehanabad, Kaimur at Rohtash.

Nito lamang Hunyo at Hulyo, may nauna nang namatay na nasa 60 iba pa.

May pangamba na madaragdagan pa ang mamamatay dahil tinataya ng kanilang weather bureau na tuloy-tuloy ang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa kanila sa darating na lima pang araw at mga darating pang araw ng tag-ulan.

At alam ba ninyo na daan-daang katao pala ang namamatay sa India taon-taon dahil sa kidlat?

Kasama na rito ang 74 namatay sa loob lang ng 24 oras at ang estado ng Bihar ang may pinakaraming namatay sa bilang na 57 noong Hunyo 23, 2016.

Ganyang katindi ang kamatayan sa kidlat.

Ang maganda sa India, may ayudang $5,000 para sa mga naulila.

Kahit papaano, nakakayanang harapin ng mga pamilya ang nasabing disgrasya na dumarating sa kanila.

MAY PATAY RIN SA PINAS.

Gaya ng India, tag-ulan din sa Pilipinas at maaaring aabot ito sa buwan ng Nobyembre na kung minsan umaabot pa sa buwan ng Disyembre.

Ang totoo, taon-taon ding namamatayan tayo sa kidlat.

Ngunit hindi naman katulad sa India na nangmamasaker ang kidlat.

Mayroon lang paisa-isa, padala-dalawa.

Ngunit katulad sa India, karaniwan sa mga kanayunan nagaganap ang mga kamatayang sanhi ng kidlat.

Karamihan sa mga biktima sa India ang mga magsasaka.

At madalas ding sa mga magsasakang Pinoy tumatama ito.

Ang maganda, hindi naman nagpapabaya ang mga kapitbahay, sina Kapitan ng barangay, mga kagawad at tanod niya sa pag-ayuda sa mga kinikidlat.

Naririyan din sina Mayor at mga Konsehal na tumatakbo at umaayuda rin.

Kaya lang, hindi katulad sa India ang laki ng ayudang naipamimigay nina Kapitan at Mayor.

Pero sa ganitong disgrasya, sa mga public cemetery inililibing ang mga biktima at malaking bagay nang inililibre nina Kapitan at Mayor ang gastos sa paglilibing.

Salamat sa kanila.

PAANO MAG-INGAT?

Sa obserbasyon ng ating Uzi, wala gaanong mga seminar o pag-aaral na isinasagawa ng mga awtoridad kung paano umiwas sa tama ng kidlat.

Halimbawa na lang sa parte ng mga magsasaka na karaniwang biktima ng kidlat.

Karaniwang basta bahala nang magtago ang mga mamamayan kung may mababagsik na kulog at kidlat na nagaganap.

At ipinauubaya na lang lahat sa Diyos ang kaligtasan.

Wala tayong gaanong nakikitang kahit babasahin o panoorin pangkaligtasan sa laban sa kidlat na gawa ng mga eksperto, halimbawa.

Sa diaryo, sa telebisyon at maging sa social media.

Mabuti pa sa mga lindol, COVID-19, baha at iba pa, may mga babala at mungkahing hakbang laban sa mga ito.

Pero sa kidlat?

Panahon nang magkaroon din tayo ng mga seminar at pagsasanay at ng mga panoorin o babasahin laban sa kidlat para sa ating kaligtasan.

Huwag ipaubaya ang lahat sa Diyos at huwag ding kalilimutang na magtatag tayo ng pondo para sa mga biktima.