Daan-daang pamilya sa Lanao del Sur, nakatanggap ng suplay ng pagkain sa ARMM anti-poverty org

Daan-daang pamilya sa Lanao del Sur, nakatanggap ng suplay ng pagkain sa ARMM anti-poverty org

July 22, 2018 @ 10:46 AM 4 years ago


 

Cotabato City, Philippines — Nakatanggap ng suplay ng pagkain ang daan-daang pamilyang Maranao na naapapektuhan ng kaguluhan sa Marawi noong nakaraang taon mula sa isang humanitarian program na naglalayong tumulong sa mga mahihirap na barangay.

Karamihan ng mga pamilyang nakatanggap ng tulong ay mga residente ng bayan ng Butig sa Lanao del Sur, lubhang naapektuhan ng kaguluhang simula noong 2014 kung saan ibinandera ng Maute terror group ang kanilang bandila.

Tumulong din sa pagbigay ng mga pagkain ang Autonomous Region in Muslim Mindanao-Bangsamoro Regional Inclusive Development for Growth and Empowerment, ARMM-BRIDGE, kung saan ipinamahagi ang mga suplay sa mga bayan ng Lanao del Sur na kinabibilangan ng Picong, Balabagan, Madamba, Lumba-Bayabao, Balindong, Saguiaran, Mulondo, Butig at Ditsaan-Ramain, ngayong linggo.

Ayon kay David Ali, project manager of ARMM-BRIDGE, nitong Sabado (July 21), kasama sa isinagawang feeding program ay ang pagtitimbang sa mga bata upang makita ang pinagbago nila sa naturang programa.

Dagdag pa niya, nasa 900 pamilyang Maranao ang nakatanggap ng suplay ng pagkain mula sa ARMM-BRIDGE ngayong linggo.

Naglalayon ang ARMM-BRIDGE na makapagbigay ng apat na pangunahing pangangalailangan: pagkain, tirahan, malinis na tubig at kuryente.

Ang ARMM-BRIDGE project management office sa Cotabato City ay mas palalawakin sa mga susunod na buwan para sa pamimigay ng rasyon ng pagkain sa mga residente ng Marnao sa Piagapo, Lumbaca Unayan, Lumbayanague, Bubong Ramain, Kapai, Ganassi, Madalum, Masiu, Kapatagan, kabuuan ng Lanao del Sur at sa Marawi City.

Tutulong rin sa programa ang mga Nutrition expert at dietician ng ARMM-BRIDGE upang magbigay ng kaalaman sa mga residente tungkol sa importansiya ng pagkain ng masusustansyang pagkain, partikular na sa mga bata upang masiguro ang kanilang malusog na pangangatawan.

Bukod sa bigas, itlog, gatas, protein-rich beans, mantika, asin, asukal at kape, magbibigay din ang ARMM-BRIDGE ng hygiene kits na naglalaman ng shampoo, sabon pangligo, toothbrush at toothpaste. (Remate News Team)