Daan-daang residente inilikas sa Palawan sa matinding baha

Daan-daang residente inilikas sa Palawan sa matinding baha

December 27, 2022 @ 8:57 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Daan-daang mga residente mula sa ilang bayan sa timog na bahagi ng Palawan ang inilikas mula sa kanilang mga tirahan dahil sa malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha.

Ito ang sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Lunes, Disyembre 26 sa kanilang pinakahuling situational report.

Sa ulat, lubog sa tubig-baha ang mga low-lying areas sa bayan ng Bataraza at Brooke’s Point.

Sa Bataraza, 151 pamilya, o 755 indibidwal, ang pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation center habang ang 85 pamilya o 261 indibidwal ang nakakalat din sa tatlo iba pang evacuation centers.

Ayon sa PDRRMO, may ilang mga tirahan din ang nasira sa Brooke’s Point habang 142 tirahan ang nasira at 28 pa ang tuluyang nawasak sa Bataraza.

Mayroon ding apat na bangka ang nasira sa Brooke’s Point habang 19 din na bangka ang nasira sa Bataraza dahil sa malakas na hangin at malalaking alon. RNT/JGC