DAGAT MAGIGING LUPA

DAGAT MAGIGING LUPA

October 17, 2022 @ 5:10 PM 2 months ago


NAKATIKIM  ng kakaibang mura mula kay Sen. Cynthia Villar ang isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources nitong nakaraang linggo, sa gitna ng budget hearing ng kagawaran.

Hindi kasi masagot nang malinaw at direcho ang tanong ni Sen. Villar kung nasaan at ano-anong mga munisipyo ang maapektuhan ng reclamation projects sa Manila Bay.

Bagama’t mabigat ang mga binitawang salita ni  Villar, naiintindihan ko ang galit nya.   Napakaseryoso ng epekto ng reclamation projects na ito sa kabuuan ng Manila Bay, at partikular na tatamaan nga ang malaking bahagi ng mga baybaying lugar, mula Cavite patawid sa Paranaque, Las Pinas, Makati, Maynila, Navotas hanggang sa Bulacan at Bataan.

Kapag napadaan ka nga sa Film Center of the Philippines o likuran ng isang hotel dyan na malapit, kitang-kita mo na ang mga traktora sa mga maliliit na artipisyal na mga isla.

At ika nga ni senadora, ang laking hirap at dami ng ginastos nila para linisin at umayos ang daloy ng mga ilog palabas ng Manila Bay, pagkatapos ay tatabunan lang pala ng lupa at babarahan ang mga ilog.  Eh, malamang nga naman, babahain ang mga lugar na aapawan ng mga ilog.

Okay lang naman sana ang reclamation projects, dahil kailangan nga ng lupa para pagtayuan ng mga gusali at imprastruktura para umunlad.   Pero ang problema, kulang ang mga papeles para mapatunayan na mapapangalagaan ang kalikasan at mukhang hindi napag-aralan ng mabuti ang masamang epekto ng mga reclamation projects na ito.  Ito ang kahinaan ng DENR.

Bukod kasi na meron protected landscape na masasagasaan ang mga reclamation projects, ito yong Las Pinas-Paranaque Wetland Park, dapat sana ay meron ding pag sang-ayon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Dept. of Agriculture at ang local government unit para matuloy ang isang reclamation project.

Kaya  uminit  ang  ulo at namula sa galit si Villar dahil nga sa  parehong walang pag-payag ang mga ito sa reclamation project.

Napakahalaga ng serbisyo na ibinibigay ng Manila Bay para sa mga mangingisda at mga nakatira sa baybayin nito.  Bukod sa kabuhayan, ang kilalang ganda ng Manila Bay sunset ay bukal ng karangalan sa maraming Pilipino.

Kapag naging lupa ang dagat, ano ba ang mga mawawala sa atin?