Dagdag badyet sa Sierra Madre preservation, isinusulong sa Senado

Dagdag badyet sa Sierra Madre preservation, isinusulong sa Senado

October 12, 2022 @ 5:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng isang lider ng Senado na kanyang isusulong ang dagdag badyet sa preserbasyon ng Sierra Madre mountain range bilang tugon ang kahilingan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ginanap na budget hearing kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na tulad nang pangyayari sa nakaraan, nailigtas ng 540 kilometrong mountain range mula Cagayan hanggang Quezon ang ilang bahagi ng Luzon sa pananalasa ng Super Typhoon Karding nitong Setyembre 25.

Nagulat si Villanueva nang matunghayan sa badyet ng DENR na umabot lamang sa halos P10 milyon ang nakalaan sa preserbasyon ng Sierra Madre mountains.

“Let me put into record na nanlata ako. PHP9.9 million?” tanong ng Senador nang marinig ang pahayag ni DENR Undersecretary Analiza Rebuelta-Teh kasabay ng pagdinig sa Senado tungkol sa inilaan pondo ng ahensya para sa Northern Sierra Madre Natural Park.

“The budget allocation is intended for the marcation, updating of management plan, monitoring of flora and fauna, and hiring of protected area superintendent and park rangers,” dagdag ng senador.

Tinukoy ni Villanueva ang kahalagahan ng preserbasyon ng Sierra Madre mountain range upang bumagal ang pagbaha at mabawasan ang kalamidad sanhi ng bagyo.

Ayon sa mambabatas, nagiging sanggalang sa bagyo ang naturang kabundukan ng Metro Manila at lalawigan ng Cagayan, Bulacan, Isabela, Nueva, Vizcaya, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Quezon, Rizal, at Laguna.

“The rugged mountain slopes can mitigate strong winds. The forest also absorbed the heavy rains,” aniya.

Dahil dito, tiniyak ni Villanueva sa DENR officials na tutulong ang Senado at hahanap ng pondo upang dagdagan ang pangangailangan ng ahensiya.

Base sa datos ng National Mapping and Resource Information Authority, nasasakupan ng Sierra Madre ang1,417,472.81 ektarya ng land area.

Makikita na may 553,637 ektaryang closed forest land at mayroon naman 537,065 ektarya ng open forest. Ernie Reyes