Dagdag-bawas sa produktong petrolyo nakaumang sa sunod na linggo

Dagdag-bawas sa produktong petrolyo nakaumang sa sunod na linggo

July 29, 2022 @ 3:55 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Asahan na ng mga motorista ang ipatutupad na dagdag-bawas sa presyo ng ilang produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Base sa oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng isang source ng industriya ng langis na ang presyo kada litro ng diesel ay maaaring mabawasan ng P1.00 hanggang P1.20 habang tataas naman ng P0.50 hanggang P0.70 kada litro ang gasolina.

Ang inaasahang dagdag-bawas sa presyo ng produktong diesel at gasolina ay maaari pa ring magbago depende sa paggalaw sa kalakalan, ayon na din sa source ng oil industry.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Epektibo nitong Hulyo 26, nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng bawas presyo na P0.40 sa kada litro ng gasolina, P1.85 sa kada litro ng diesel at P1.30 naman sa kada litro ng kerosene.

Dahil dito, ang year-to-date na kabuuang adjustments ay tumaas ng P18.90 kada litro para sa gasolina, P32.95 kada litro para sa diesel at P28.05 kada litro para sa kerosene. Jay Reyes