Dagdag-benepisyo para sa mga pulis na naging ‘permanently disabled’ sa serbisyo, inihirit ni Bato

Dagdag-benepisyo para sa mga pulis na naging ‘permanently disabled’ sa serbisyo, inihirit ni Bato

October 8, 2022 @ 4:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinuglisa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang kakulangan sa benepisyo ng mga pulis naging permanently disabled dahil sa kanilang trabaho.

Sa Senate panel budget hearing nitong Biyernes, inilahad ni Dela Rosa na nakatanggap siya ng mga reklamo mula sa ilang mga pulis na nagkaroon ng kapansanan sa pagseserbisyo ukol sa natatanggap na limang taon na benepisyo sa halip na tuloy-tuloy na retirement compensation.

“Porket ‘di siya umabot ng 20 years sa serbisyo ang classification niya ay separated and not retired?” ayon sa mambabatas na dating Philippine National Police (PNP) chief.

Tinutukoy niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Act of 1990, na kilala bilang  Republic Act 6975, na nag-uutos sa compulsory retirement para sa mga opisyal at non-officer na nagkaroon ng kapansanan dahil sa tungkulin.

Kung ang indibidwal ay nagsilbi ng mas maiksi sa dalawang dekada, nakasaad sa RA 6975 na siya “will be separated from the service and be entitled to a separation pay equivalent to one and one-fourth (11/4) months base pay for every year of service, or a fraction thereof, and longevity pay of the permanent grade he holds.”

Inirekomenda ng mga opisyal ng PNP at National Police Commission (NAPOLCOM) na amyendahan ang batas upang tulungan ang mga apektadong pulis.

Matapos ang apat na oras ng deliberasyon, inaprubahan ng Senate Committee on Finance ang P251.18-billion budget para sa 2023 na inihirit ng DILG at attached agencies nito. RNT/SA