Dagdag-benepisyo sa solo parents naghihintay sa bagong tintadong batas

Dagdag-benepisyo sa solo parents naghihintay sa bagong tintadong batas

June 29, 2022 @ 11:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – May matatanggap ng karagdagang benepisyo ang mga solo parent sa bansa.

Ito ay makaraang mag-lapse into law o maging ganap na batas noong Hunyo 4, ang Republic Act Number 11861 o mas kilala bilang Expanded Solo Parents Welfare Act, na nag-amiyenda sa ilang porobisyon ng RA 8972.

Nakasaad sa bagong batas na magkakaroon ng flexible work schedule ang mga solo parent employee, monthly cash subsidy para sa minimum wage earners, at scholarship para sa mga ito at sa kanilang anak.

Sinasabing bibigyan din ang mga solo parent ng karagdagang parental leave benefits para mabalanse ang trabaho at responsibilidad sa kanilang anak, lalo na sa sa mga kaganapan kung saan kailangan ang presensya ng magulang.

Nakasaad pa rin sa batas na awtomatikong magkakaroon ng health insurance ang mga ito, sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.

Sa ilalim pa rin ng batas, pinalawig rin ang kahulugan ng solo parent.

Ang DSWD, katuwang ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan, ay magde-develop ng komprehensibong social protection services package para sa solo parent at anak ng mga ito.

Samantala, ganap itong naging batas noong ikaapat ng Hunyo 2022, at magiging epektibo 15 araw makaraang mailathala sa mga pahayagan. Kris Jose