Dagdag-bus hirit sa PITX ngayong holiday season

Dagdag-bus hirit sa PITX ngayong holiday season

December 23, 2022 @ 8:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kailangan ng karagdagang bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil sa dagsa ng mga pasaherong naghihintay ng masasakyan ngayong holiday season.

Sa ulat hanggang nitong alas-6 ng gabi, araw ng Huwebes, Disyembre 22, mayroon nang nasa 115,000 na mga pasahero ang naitala sa nasabing sakayan.

May ilan din umanong mga pasahero ang nag-aabang ng mga dagdag na byahe o “extra trips” dahil halos fully booked na ang mga regular na byahe pauwi sa mga probinsya.

Ayon naman sa pamunuan ng PITX, magdagdag sila ng mga byahe ayon sa pangangailangan.

“Ngayon halos fully booked na siya lahat kaya ang ginagawa natin ngayon humihingi tayo ng additional units sa ating partner operators and then consequently hinihingan natin ng special permits with the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB),” ayon kay Jason Salvador, pinuno ng corporate affairs and government relations.

Sa panig naman ng LTFRB, sinabi nito na nakapagbigay na sila ng special permit sa 639 na dagdag provincial buses ngayong Christmas season.

Dagdag pa ni LTFRB technical division chief Joel Bolano, sa kasalukuyan ay sarado na ang aplikasyon para sa special permit ngunit handa silang maglabas ng mas marami pa kung mayroong agarang pangangailangan ng dagdag na unit ng mga bus.

Hanggang ngayong araw, Disyembre 23, inaasahan na umabot sa 175,000 ang mga pasaherong dadagsa sa PITX. RNT/JGC