DAGDAG BUWIS SA MAYAYAMAN

DAGDAG BUWIS SA MAYAYAMAN

February 25, 2023 @ 12:34 AM 1 month ago


GUMAGAPANG na sa gusali ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang dagdagan pa ang buwis ng mga mayayaman sa bansa.

Ito ay sa pamamaraang lahat ng mga tinatawag na ‘luxury items’ o mga bagay at gamit na pangluho lamang, ang papatawan nang mas mataas na buwis.

Magandang pakinggan para sa mahihirap na tulad natin, dahil babawi ang pamahalaan sa mga mas nakakaangat kaysa sa atin. Ang ating tanong lang diyan ay, maiaangat ba nito tayo sa kahirapan?

Sabi nga nang nagsusulong nito na si House Committee on Ways and Means Chairman na si Congressman Jose Maria Clemente S. Salceda, tinatayang P15 bilyon ang maidadagdag nito sa kaban ng bayan.

Kung sabagay, tayong mahihirap ay di apektado rito, di naman tayo bumibili ng mga bagay na pangluho lamang. Mahalaga sa atin ay ang kumukulong tiyan ng bawat miyembro ng pamilya.

Kung ang panukalang ni Salceda ay makakatugon sa ating kagutuman, go ako diyan. Kayo ba? Marahil ay ‘go’ na din kayo dahil mayayaman lang naman ang apektado rito.

Pero sabi ni Salceda, ang kanyang panukalang ay pagtugon din sa panawagan ngmga ‘international organization’ na taasan pa ang buwis para sa mga nakakariwasa sa buhay.

Kung magkaganoon, lilitaw ang talagang pagkakaiba nating mahihirap sa mga talagang pinakamayayaman sa bansa. Dahil tila mabibilang lang sa ating mga daliri ang talagang mararangya dito sa Pinas, kumpara sa 55 milyong Pinoy na talagang mga salat sa buhay.

Hindi matutugunan nito ng kagutuman ng nakararaming Filipino, lalo na kung maibubulsa lamang ng mga korap na mga opisyal.

Dapat lamang siguro na sabihin muna kung ano ang paggagamitan sa karagdagang buwis na ito.

Tayo nga mismo ay hirap nang balikatin ang Value Added Tax na matagal nang naisabatas.

Siguro, naman kung isusulong kasabay ng pagpapatupad ng karagdagang buwis sa luxury items ay tanggalin na rin ang VAT, mas matutuwa siguro ang mga Pinoy, mahihirap o mayayaman.

Di ba mga katoto?

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!