Dagdag-EDSA busway stations binuksan sa publiko

Dagdag-EDSA busway stations binuksan sa publiko

August 4, 2022 @ 6:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pormal na binuksan ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Huwebes sa publiko ang Roxas Boulevard, at ang Taft Busway Stations ng EDSA Busway Project.

Ang EDSA Busway project ay pinagsamang gawain ng DOTr, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Dito po sa DOTr hindi po tayo titigil. Mag-iisip tayo ng paraan para magkaroon po ng accessible, affordable, convenient and safe travel para sa ating lahat” ani DOTr Secretary Jaime Bautista.

Ayon pa sa DOTr, ang proyekto ay nag-aalok ng dedikadong median lane para sa mga bus na may mga istasyon na itinayo sa median island, na nagbibigay-daan para sa mas magandang byahe sa pamamagitan ng pag-iwas sa salungatan sa mga nag-uugnay na mga kalye, driveway, commercial center at curbside drop-off point.

Babawasan din nito ang oras ng paglalakbay mula Mall of Asia sa Pasay City hanggang Monumento sa Caloocan mula 2-3 oras pababa hanggang 1 oras at 30 minuto lamang.

Pinuri ni Bautista ang mga pribado at government partners nito sa kanilang suporta para maisulong ang ligtas at komportableng paglalakbay para sa mga commuter.

“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng tumulong para ito ay maganap. Unang una sa MMDA. Nagpapasalamat din ako sa DPWH. Sila po ay instrumental para maitayo itong additional bus stations natin,” aniya pa.

“Nagpapasalamat din ako kay LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) [chairperson] Garafil sa mga ganitong additional facilities para maibsan ang hirap ng ating mga mananakay,” dagdag pa ng opisyal. RNT