Dagdag health care services sa senior citizens, iginiit ni Angara

Dagdag health care services sa senior citizens, iginiit ni Angara

August 10, 2018 @ 4:14 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Iginiit kahapon ni Senador Sonny Angara na bigyan ng karagdagang healthcare services para sa mga senior citizens sa pamamagitan ng pagpopondo sa panuklang magsasanay sa doctor para sa matatanda.

Sa kanyang pagsasalita sa 6th Annual Convention ng Philippine Society of Geriatrics and Gerontology, sinabi ni Angara na nahaharap sa seryosong kakulangan ng geriatricians o medical doctor na specially trained upang magsagawa ng ebalwasyon at mamahala sa pangangailangan ng kalingang pangkalusugan ng mga matatanda.

Base sa data ng Retirement and Healthcare Coalition, ipinakikita na aabot lamang sa 140 ang geriatric doctor para sa walong milyong senior citizens sa buong bansa.

“Natuklasan ko na mula sa 140 geriatric doctors, aabot sa kalahati ang walang aktuwal na karanasan sa klinika o ospital. Isa sa pangunahing dahilan dito sa kawalan ng geriatrician ay kawalan din ng paslidad na kung saan puwedeng magsanay sa partikular na espesyalidad.

Kailangan natin ng mas maraming venues upang sanayin at paunlarin ng geriatricians ang kanilang kaalaman at talino,” giit ni Angara. 

Dahil dito, iginiit ni Angara ang agarang pagsasabatas ng Senate Bill No. 1157 na may layunin na magtayo ng medical scholarship program upang tugunan ang kakulangan ng doctor sa ating bansa.

Idinagdag pa ni Angara na kahit may state-run National Center for Geriatrics Health sa Maynila na pinasinayaan noong 2010 na magsisilbing unang sentro sa bansa para sa aged care, ngunit limitado ang kapasidad nito na kailangan aksiyunan ng Kongreso.

Aniya, hindi niya nakakalimutan at tinutugunan ang pangangailangan ng ating mga seniors sa pamamagitan ng pagsusulong ng panukalang batas na magtataguyod sa kagalingan tulad ng Expanded Senior Citizens Act na nagbibigay ng VAT exemption sa medesina, medical supplies, medical services at professional fees ng doctor para sa matatanda.

“Masasabi ko na minana ko ang adbokasiya para sa mga senior citizen mula sa aking ama. He is responsible for the Senior Citizens Act of 1992 that granted discounts to our seniors,” aniya.

“How we treat our elders is an indication of how we treat our most vulnerable. Tungkulin natin na alagaan at suportahan sila upang masiguro na sila ay may buhay na maginhawa,” dagdag ng nakababatang Angara.

Sa ngayon, isinusulong ni Angara ang pagsasabartas ng Expanded Social Pension Bill na naglalayon na hindi lamang doblehin ang halaga kundi palawakan ang sakop upang masakop ang sinuman na walang pension.

Noong nakaraang Linggo, inisponsoran ni Angara ang Universal Health Care bill.

“Kahit sakop ng ng PhilHealth ang mga senior citizens, mas magiging kumprehensibo ang UHC na isasama ang preventive, promotive, curative, rehabilitative at palliative health services. Ernie Reyes