Dagdag na pagamutan sa mga isla isusulong ng solon

Dagdag na pagamutan sa mga isla isusulong ng solon

February 6, 2022 @ 7:45 PM 8 months ago


Manila, Philippines- Inilahad ni Congresswoman Sherrnee Tan-Tambut ng Kusug Tausug partylist ang kanyang pagnanais na maragdagan ang bilang ng mga pampublikong pagamutan sa isla at bayan matapos ang naging laban niya noong nakaraang buwan sa COVID-19 sa kabila ng pagiging bakunado.

Sa ibinahagi niyang detalye habang sumasailalim sa home quarantine, gamit ang kanyang Facebook account, sinabi ni Cong. Tan-Tambut na kahit banayad lang ang tumama sa kanyang SARS-CoV-2 virus, ang labis na pangungulila sa kawalan ng makausap, liban sa tawag sa cellular phone, ang nagdulot ng labis niyang pangamba na baka hindi makabawi ng lakas laban sa sakit.

Ang naranasan niyang ihiwalay ang sarili sa iba ang nagbunsod sa kanya upang isipin ang mga tinatamaan din ng ganitong uri ng sakit na may maliit o wala man lang tsansa upang masuri at magamot sanhi ng napakalayo sa kanilang lugar ang mga ospital bukod sa napakamahal at kakaunti lang ang sakayan patungo rito.

Isinulat pa ng kongresista na may 1,800 ang kabuuang bilang ng mga pagamutan sa bansa sa taong 2019 at 40% dito ay mga pampubliko. Ang bilang na kanyang sinipi ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng bilang ng mga pampublikong pagamutan na magsisilbi sa pangangailangan ng bawat Pilipinong naninirahan sa 81 mga lalawigan sa bansa.

Inihalimbawa ng solon ang Sulu na sa 19 na munisipalidad, walo ang nasa isla na malayo sa kabisera ng bayan ng Jolo kung saan naroon ang pagamutan. Ang lalawian ng Sulu ay may mahigit na 100 isla na karamihan ay maraming naninirahan.

Nagpahayag ng pag-aalala ang kongresista sa mga naninirahan sa malalayong isla na magpopositibo sa virus na kinakailangan pa ang ibang uri ng masasakyan upang makarating sa pagamutan.

Ang partylist na Kusug Tausug, bagama’t literal ang kahulugan na lakas ng mga Tausug, ay hindi lang naglilimita sa pananaw na baguhin ang kalidad ng buhay ng mga Tausug kundi layunin ding makabilang ang iba pang katutubo at sektor ng minorya na mabigyan ng sapat at mapanatili ang pagkakaloob ng serbisyo. RNT