Mas murang farm inpauts, dagdag-pasilidad susi sa murang pagkain-Agri

Mas murang farm inpauts, dagdag-pasilidad susi sa murang pagkain-Agri

January 15, 2023 @ 7:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Habang nananatiling mataas ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng mga sibuyas, binigyang-diin ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang kahalagahan ng mahusay na paggasta sa badyet ng Department of Agriculture (DA) upang matugunan ang pangmatagalang isyu na ito.

Nabatid na nakatanggap ang sektor ng Agrikultura ng P174 bilyon para sa 2023 na mas mataas ng 20.2% mula sa P144.8 bilyon nitong badyet noong nakaraang taon.

“From this huge increase, we expect nothing less than improved services for farmers and fisherfolk, and for the agency to finally address long-standing problems in the agriculture sector,” ani Lee.

“Kasama dito ang tulong para sa low production cost sa pamamagitan ng access sa murang abono at pesticides, farm equipment, gumaganang irigasyon at dagdag na post-harvest facilities tulad ng cold storage at transport facilities para maiwasan ang maraming nasasayang lalo na sa panahon ng kalamidad,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Lee, P16.89 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa post-harvest facilities at services, na 40.6% na mas mataas kaysa sa nakaraang taon.

“Kung magagamit ang mas malaking pondong ito para tulungan ang agri workers na mapataas ang kanilang produksyon, hindi basta-basta kukulangin ng supply na dahilan ng pagtaas ng presyo sa merkado,” ayon pa sa kongresista na nagmula sa Sorsogon.

Noong Disyembre 28, 2022, iniulat na tumaas ang presyo ng pulang sibuyas sa P720 kada kilo, na pitong beses na mas mahal kaysa sa P100 kada kilo noong Hunyo ng parehong taon na binabantayan ng DA.

Samantala, ang mga lokal na puting sibuyas ay nabili ng aabot sa P600 kada kilo.

Ang pagtaas umano ng presyo ay dahil sa mababang domestic production na bunga ng pagtaas ng production cost, kawalan ng post-harvest facilities at talamak na agricultural smuggling.

Una nang nagpahayag ng suporta si Lee kay House Ways and Means Committee Chair at sa sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na ang Kongreso, sa pamamagitan ng isang independent panel, ay lalaban sa mga agri smugglers.

“Sa pamumuhunan ng gobyerno sa mga programa at serbisyong totoong nagbubunga ng benepisyo at mas malaking produksyon ng mga magsasaka at mangingisda, makikinabang din ang consumer at buong bansa—Winner Tayo Lahat,” giit pa ni Lee. RNT