Dagdag-pondo para sa evac hubs, posibleng ibigay ni Digong

Dagdag-pondo para sa evac hubs, posibleng ibigay ni Digong

April 4, 2022 @ 8:45 AM 3 months ago


MANILA, Philippies – Maaaring magbigay ng karagdagang pondo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pagpapatayo ng mas maraming evacuation centers.

Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo del Rosario na nakatakdang bumisita ngayong araw ng Lunes si Pangulong Duterte sa Batangas para i-check kung ang evacuation hubs sa labas ng danger zone ng Taal Volcano ay sumunod sa design standards.

“Si Presidente nga pupunta ngayon, Monday, sa Batangas para tingnan ang isa sa tatlo naming pinagawa na evacuation centers. Sabi niya gusto niya makita para makita kung yung ginawa namin ay in accordance with the design standard na siya ang nagbigay sa ’min at nag-approve last 2018,” ayon kay del Rosario.

Aniya, may tatlong evacuation centers na matatagpuan sa Santa Teresita, Alitagtag, at Mataasnakahoy ang pinasinayaan, araw ng Miyerkules.

Ang bawat center ay maaaring mag-accommodate ng 150 pamilya na may apat hanggang limang miyembro.

Mayroon aniyang hiwalay na restrooms para sa mga kalalakihan at kababaihan, shower rooms, prayer rooms, kitchens, clinics, at storage room para tumanggap ng mga supplies.

Sinabi ni Del Rosario na maaaring magbigay ng karagdagang pondo si Pangulong Duterte kung may pangangailangan pa na magpatayo ng mas maraming evacuation centers.

“Actually, isa sa intention ng ating mahal na Pangulo kaya siya pupunta dun ay maglaan ng pondo, additional funds, para sa pagpapagawa,” anito.

Mula 2016 hanggang 2021, sinabi ni Del Rosario na mayroong 392 evacuation center projects sa buong bansa na pinasimulan ng Department of Public Works and Highways.

Sa kabuuan, 299 ang natapos na habang 92 naman ang undergoing construction, at isa na lamang ang hindi pa nasisimulan ang konstruksyon.

Ang evacuation center projects ay nagkakahalaga ng P14.3 billion.

“Ang sabi kasi ni President Duterte nung last Cabinet meeting, ‘mayroon pa akong sobrang pera, gusto ko ibigay, para kung itong evacuation centers gusto ko madagdagan pa,” dagdag na pahayag nito.

At sa tanong kung kakayanin ng mga evacuation centers ang malakas na bagyo, ipinagmalaki ni Del Rosario na kahit lindol ay kakayanin nito dahil sa malalaking steel bars na ginamit nang itayo ang mga nasabing centers.

“Sa nakita kong process na ginamit ay masinsin na masinsin. Kung pag-uusapan naman natin ay lindol na foundation, ay nagrereklamo nga sakin ‘yung mayor. Bakit daw napakalalaking mga bakal ‘yung ginamit sa ilalaim,” aniya pa rin.

Samantala, tiniyak ni Del Rosario na ang evacuation centers ay hindi sakop ng election spending ban dahil itinayo ang mga ito bilang pagsunod sa Balanced Housing Development Program ng departamento na required mula sa mga developers bago pa sila makapagbenta ng kanilang mga proyekto.

“What I used here is the Balanced Housing Program where developers have to construct housing and help disaster-affected areas, that’s the fund we used which come from housing developers. The government only facilitate them with necessary checks and balance to implement the project. Government funds were not used to erect them,” paliwanag ni Del Rosario. Kris Jose