Dagdag-pondo sa COVID allowance ng frontliners hirit ng DOH sa DBM

Dagdag-pondo sa COVID allowance ng frontliners hirit ng DOH sa DBM

September 1, 2022 @ 11:06 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na nakikipag-usap pa rin sila sa Department of Budget and Management (DBM) para sa karagdagang pondo para sa COVID-19 response allowance ng mga healthcare workers.

Sa press briefing, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na nakatanggap sila ng liham mula sa Philippine General Hospital (PGH) na humihiling na mailabas ang kanilang One COVID Allowance (OCA).

“Unang una po, for the longest time since these benefits were mandated to be provided, nakapagbigay naman tayo sa PGH. Ang nangyari ngayon yung MOOE [Maintenance and Other Operating Expenses] natin sa national government through DOH ay naubos na at wala na tayong ma-issue pa,” sabi ni Vergeire.

Hiniling na aniya nila sa DBM na ilabas ang pondo upang mabayaran ang iba pang healthcare workers na hindi pa nakatanggap ng kanilang COVID-19 allowance.

Sabi ni Vergeire,patuloy ang kanilang pakikipag-usap sa DBM upang kahit paano ay makapag-release man lang kahit kaunti para makapagbigay sa mga healthcare workers, at maipaalam sa publiko.

Nais din ipaalam ng DOH sa PGH at iba pang ospital na walang pinipiling ospital pag may pondo ang ahensya.

“Kung ano po yung mabibigyan natin, atin pong nire-release yan, nagkataon lang po ngayon we have long been requesting for this budget for DBM and up until now we had not been granted for the release of this funds, kaya wala pa rin po kaming maibigay sa inyo ngayon,” dagdag pa ng health OIC.

Noong nakaraang Pebrero, sinabi ng DBM na naglabas ito ng P7.92 bilyon para sa allowance ng mga healthcare worker at iba pang tauhan na sangkot sa pagtugon sa COVID-19.

Noong 2021, iniulat ng ilang healthcare workers na hindi pa sila nakakatanggap ng mga allowance para sa mga serbisyong ibinigay sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden