Dagdag-pondo sa oil spill equipment isinusulong ng solon

Dagdag-pondo sa oil spill equipment isinusulong ng solon

March 19, 2023 @ 12:55 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – NANAWAGAN si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee na maglaan ng dagdag pa na pondo para sa mga boom at iba pang kagamitan para sa oil spill containment upang maiwasan ang malalang kahihinatnan ng maritime disaster sa hinaharap.

“The disaster caused by the MT Princess Empress oil spill has exposed how ill-equipped we are in responding to threats to our aquatic resources due to oil spills. Kaya’t hihingin po natin na magbigay ng mas malaking pondo para sa oil spill containment equipment sa susunod na budget hearing,” ani Lee.

Nabatid na aminado ang Philippine Coast Guard na wala silang sapat na kagamitan para mahawakan ang oil spill na dulot ng MT Princess Empress, na lumubog noong Pebrero 28 habang may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil.

Ang lumubog na barko ay naglalabas ng 35,000 hanggang 50,000 litro ng langis kada araw, ayon sa Department of Environment and Natural Resources.

Ang gobyerno ng Japan, na nagpadala ng isang team na may walong tao upang tumulong sa task force ng gobyerno ng Pilipinas, ay nangangako rin sa pagbibigay ng mga kagamitan, tulad ng mga oil blotter, oil snares, at oil-proof working gloves, upang tulungan ang paglilinis ng mga apektadong mga baybaying barangay. Nangako rin ang United States at South Korea na tulungan ang bansa.

Giit ni Lee, hindi maaaring palaging umaasa ang Pilipinas sa tulong ng iba, at dapat na magkaroon ng mga kinakailangang kagamitan upang harapin ang mga ganitong kalamidad.

“Mas mabilis tayong makakapag-responde sa ganitong sakuna kung mayroon tayong sapat na kagamitan. Dahil sa kakulangan natin, patuloy na nasisira ang mahalagang likas-yaman, at nawawalan ng kabuhayan ang mga kababayan nating nakaasa rito, lalo na ang mga mangingisda,” ayon pa sa mambabatas.

Inulit din ni Lee ang kanyang panawagan para sa agarang tulong na maibigay sa mga komunidad na apektado ng oil spill.

Sinabi kamakailan ng Office of Civil Defense na mahigit 108,000 katao sa 118 barangay sa Oriental Mindoro at Palawan ang naapektuhan ngayon ng oil spill.

Halos 32,000 pamilya sa 68 lugar sa MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan din simula noong Marso 14, ayon sa OCD. RNT