Dagdag-post harvest facilities itayo na vs taas-presyo ng pagkain – agri

Dagdag-post harvest facilities itayo na vs taas-presyo ng pagkain – agri

January 29, 2023 @ 9:22 AM 2 months ago


MULING nanawagan ang isang kongresista hinggil sa agarang pagtugon sa kakulangan ng mga “post-harvest facility” na maaaring maging dahilan sa mababang lokal na produksyon at pagtaas ng mga presyo ng pagkain sa bansa, sa gitna na din ng mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng sibuyas.

 

Inulit ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang kanyang panawagan para sa karagdagang post-harvest facilities matapos ang pahayag ni Ramon Silverio, Chairman ng Kaakibat Provincial Cooperative Council, sa ginanap na briefing ng House Committee on Agriculture and Food hinggil sa estado ng industriya ng sibuyas sa bansa noong Enero 25.

 

“Sana po pagdating naman ng anihan, doon sa pagbebenta naman ng produkto, dapat po matulungan din ninyo po kami kung paano. Ang nangyayari po kasi, maganda ang programa sa production, pagdating sa marketing, parang wala ho atang programa para sa magsasaka,” ani Silverio.

 

“Dapat malagyan na po kaagad ng cold storage para naman po meron namang karapatan ang magsasaka na magtakda ng presyo ng kanilang ani,” dagdag ni Silverio.

 

Sa deliberasyon ng badyet noong nakaraang taon, ipinunto ni Lee na hindi sapat ang mga produktong pang-agrikultura na nakakarating sa merkado dahil sa napakataas na pagkalugi pagkatapos ng ani at kakulangan ng mga pasilidad pagkatapos ng ani. Inulit din niya dapat baguhin ang istratehiya “agriculture value chain” ng bansa upang matiyak na ang mga produkto ay may direktang ugnayan sa mga merkado at mga mamimili.

 

“Ito yung sinasabi na natin noon pang nakaraang budget hearing na kailangang aksyunan agad. Napakalaki ng diperensya sa pondong ipinagkakaloob para sa pre-harvest activities kumpara sa inilalaan sa post-harvest facilities and services. Napakaraming dinadaanan ng produkto bago makarating sa merkado. The government must improve and facilitate farm to market linkages and provide additional support to post-harvest facilities,” giit ng kongresista mula Sorsogon.

 

Sa ilalim ng 2023 National Budget, P48.23 bilyon ang inilaan para sa pre-harvest activities habang P17.14 bilyon ang inilaan para sa post-harvest facilities at services. Malaking bahagi ng budget para sa post-harvest facilities ngayong taon ang ipatutupad ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).

 

Ayon kay Lee, personal itong nakipagpulong kay PhilMech Director Dr. Dionisio Alvindia sa budget briefing noong nakaraang taon at sa ilang pagkakataon upang muling ipahiwatig ang pangangailangang mabilis na magbigay ng karagdagang suporta sa mga post-harvest facility, kung saan ang huli ay sumang-ayon at nakatuon na ipatupad.

 

“Patuloy tayong magbabantay at makikipag-ugnayan sa DA at PhilMech sa usaping ito. Hindi dapat hinahayaang matengga ang pondo. Dapat gamitin ito agad sa mga pasilidad na magpapataas sa kita at produksyon ng mga magsasaka at mangingisda, na magpapababa naman sa presyo ng bilihin. Sa estratehiyang ito, Winner Tayo Lahat,” ayon kay Lee.

 

Nitong ika-19 na Kongreso, inihain ni Lee ang House Bill No. 3958 o ang “Post-Harvest Facilities Support Act” na nag-uudyok sa gobyerno na magtayo at magkaloob ng mga post-harvest facility sa buong bansa, lalo na sa mga agricultural area, para mapababa ang pagkalugi at madagdagan ang kita ng mga agriculture workers. RNT