Dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, aarangkada sa Martes

Dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, aarangkada sa Martes

June 27, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa ika-apat na sunod na linggo, muling magpapatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Batay sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum ang magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.65 sa kada litro ng diesel, at P0.10 naman sa kada litro ng kerosene, epektibo alas-6 ng umaga.

Nagpatupad din ng dagdag presyo ng mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na naging epektibo alas-12:01 ng madaling araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay magiging epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Sa datos ng Department of Energy (DOE) na simula nang pumasok ang taon 2022 ay tumaas na ng P29.50 kada litro sa gasolina, P44.25 kada litro para sa diesel, at P39.65 kada litro para sa kerosene batay sa pinakahuling update nitong Hunyo. 21, 2022.

Sinabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. nitong nakaraang linggo na maaaring pumalo sa P100 kada litro ang presyo ng petrolyo sa bansa kung magpapatuloy ang lingguhang pagtaas, dahil sa kadahilanang pandaigdigang demand at ang geopolitical tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad din ng dagdag presyo naP0.80 sa kada litro ng gasolina, P3.10 sa kada litro ng diesel, at P1.70 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes