Dagdag-presyo sa produktong petrolyo, aarangkada bago mag-Pasko

Dagdag-presyo sa produktong petrolyo, aarangkada bago mag-Pasko

December 19, 2022 @ 1:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Masamang balita ang hatid ng mga kompanya ng langis sa bansa ilang araw bago sumapit ang mismong araw ng Pasko makaraang magpatupad ang mga ito ng malakihang dagdag-presyo sa kanilang prduktong petrolyo epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.70 sa kada litro ng gasolina, P2.90 sa kada litro ng diesel at P1.65 sa kada litro ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

May oil price hike din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 ng madaling araw at CleanFuel na magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ang ipatutupad na malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado gayundin ang mataas na freight rates nito. JAY Reyes