Dagdag-presyo sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

Dagdag-presyo sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

October 10, 2022 @ 10:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Matapos ang ilang linggong pagpapatupad ng barya-baryang oil price rollback, tila bumawi na ang mga kompanya ng langis sa bansa dahil sa ipatutupad nilang malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo partikular na sa produktong diesel epektibo bukas.

Sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng oil price hike na P1.20 sa kada litro ng gasolina, P3.50 sa kada litro ng kerosene, at P6.85 naman sa kada litro ng diesel epektibo alas-6 ng umaga.

May malakihang dagdag presyo din sa kahalintulad na halaga ng diesel at gasolina ang kompanyang Caltex (CPI) at Cleanfuel epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado. JAY Reyes