Dagdag proteksyon vs COVID-19  BONG GO: MAGPA-BOOSTER NA KAYO

Dagdag proteksyon vs COVID-19  BONG GO: MAGPA-BOOSTER NA KAYO

January 28, 2022 @ 4:58 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na magpabakuna at magpa-boost kapag sila ay kwalipikado dahil binibigyang-diin ng gobyerno ang pangangailangan ng booster doses bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.

“Hinihikayat ko po ang lahat na magpabakuna at magpa-booster na lalo’t bukas na ang programa sa general population.  Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung hindi pa bakunado,” ipinunto ni Go.

Sinabi ni Go sa Pilipino na ipakita ang malasakit sa ating frontliners at magpa-schedule sa mga vaccination site.

“Huwag kayong matakot sa bakuna dahil ito ang tanging solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” apela niya.

Sa isang press briefing noong Enero 25, ang mga booster shot, ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ay makatutulong sa mga indibidwal na maiwasan ang pagkakaroon ng malubha o kritikal na kaso ng COVID-19.

 “Mismong si Pangulong Duterte ang nagbigay-diin noong Disyembre hinggil sa halaga ng booster shots, lalo na para sa pagpapanatili ng pagkalat ng nakakahawang Omicron variant,” ani Nograles.

Nagbigay din ng update si Nograles sa mga target ng pagbabakuna ng gobyerno.  Aniya, bilang bahagi ng National Vaccination Program ng bansa, layunin ng pambansang pamahalaan na makapagbigay ng 72.16 milyong boosters sa populasyon ng nasa hustong gulang ngayong taon.

Sinabi pa niya na ang immunization target group ay kinabibilangan ng 12.74 milyong bata na may edad 12 hanggang 17 at 15.56 milyong bata na may edad 5 hanggang 11 na tatanggap ng pangunahing serye ng mga bakuna at booster doses.

Samantala, kukuha ng karagdagang mga bakuna upang matiyak na sapat ang mga dosis na ibinibigay sa buong bansa.

Hinihikayat din ang mga local government unit na makipagtulungan sa pribadong sektor upang itaas ang pangangailangan ng publiko para sa parehong pangunahin at pampalakas na pagbabakuna.

Ang gobyerno ay nagbigay ng 124.5 milyong COVID-19 doses, noong Enero 25. Mahigit 59.9 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang dosis habang 57.8 milyong Pilipino ang ganap na nabakunahan.  Halos 6.7 milyon ang nakakuha ng kanilang mga booster shot.  Nakatanggap ang bansa ng kabuuang mahigit 216 milyong COVID-19 vaccine doses noong Enero 25.

 “Magtulungan tayo para hindi bumagsak ang ating healthcare system habang binabalanse natin na pasiglahin muli ang ating ekonomiya,” ayon kay Go. ###