Dagdag-sahod ng higit 8.7K empleyado sa P’que umarangkada na

Dagdag-sahod ng higit 8.7K empleyado sa P’que umarangkada na

January 12, 2023 @ 11:23 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na simula ngayong buwang kasalukuyan ay makatatanggap na ang nasa 8,700 empleyado ng lokal na pamahalaan ng karagdagan sa kanilang sahod na naaayon sa Salary Standardization Law V na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 2020.

Sinabi ni Olivarez na ang karagdagang umento sa sahod ng mga empleyado ay ang ikaapat at huling tranche na nakapailalim sa salary standardization law kung saan ang pinakamababang sahod na matatangap ng empleyado ay aabot sa P13,000 para sa Salary Grade 1 na mas mataas sa kasalukuyang minimum wage.

“We are happy to inform our employees that the 4th tranche of the Salary Standardization Law has been fully funded in our annual budget and the increase will be reflected in the payrolls starting January 15,” ani Olivarez.

Ayon pa kay Olivarez, ang pondo para sa kabuuang dagdag sahod ng mga empleyado sa lungsod ay aabot sa P120 milyon.

Matatandaan na ang ikalimang Salary Standardization Law na nilagdaan noong Enero 8, 2020 ni dating Pangulong Duterte ay nagging epektibo ito at napagkaloob ang unang tranche noon ring buwan na iyon.

Ang ikalawang tranche ay inirelis noong Enero 2021 habang ang ikatlong tanche naman ay naipagkaloob nitong nakaraang Enero ng 2022 kung saan ang lahat ng mga permanente, co-terminus, at casual na empleyado ay kabilang sa makatatanggap ng karagdagang sahod.

Dagdag pa ni Olivarez na ang lungsod ng Parañaque ay may kabuuang P11.3 bilyon na inaprubahang budget para sa kasalukuyang taong 2023. James I. Catapusan