Dagdag-sahod tinitingnan ng RTWPBs sa inflation

Dagdag-sahod tinitingnan ng RTWPBs sa inflation

November 8, 2022 @ 7:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dahil sa mabilis na inflation, binabantayan  ngayon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) para makita kung kailangan ng panibagong dagdag-sahod sa gitna ng pare-parehong pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin, ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma nitong Martes.

Kasunod ito ng panawagan ng Partido Manggagawa ng P100 across-the-board na pagtaas sa minimum wage sa bansa kung saan binanggit ang 14 nataong mataas na inflation na naitala noong nakaraang buwan.

Ngunit ipinunto ni Laguesma na ang RTWPBs ay naaprubahan lamang ng pagtaas sa minimum wage sa ilang mga rehiyon sa unang bahagi ng taong ito, at ang mga wage order na ito ay naging epektibo lamang sa nakalipas na limang buwan.

Sinabi rin ng kalihim na ang pagtaas ng sahod ay ibinigay sa tranches.

Paliwanag ng kalihim, isang beses lamang sa loob ng isang taon nagkakaroon ng adjustment base sa umiiral na batas.

Pero binabantayan aniya ng RTWPBs ang mga kadahilanan na nagtutulak upang makita kung kinakailangan na magkaroon ng assessment at panibagong adjustment .

Sa kamakailang wage order para sa National Capital Region (NCR) nagbigay ng minimum wage increase ng P33, habang sa Western Visayas ay tumaas ng P110.

Ang ibang rehiyon tulad ng Ilocos, Cagayan Valley, at Caraga ay inaprubahan din ang minimum wages ng mangaggawa sa kani-kanilang hurisdiksyon.

Ang inflation sa bansa ay tumama na ng 14 taon na mataas, dahil umabot ito sa 7.7% mula sa 6.9% noong Setyembre.

Nauna ring iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang halaga ng P1 sa 85 centavos noong Oktubre.

Aminado ang kalihim na mayroon nang “pagguho” ng tunay na sahod, kung isasaalang-alang ang pagtaas ng mga gastos sa pagkain, kagamitan, at transportasyon.

Gayunman sinabi ni Laguesma na ang mga pangangailangan ng mga manggagawa at kapasidad ng mga employer ay dapat na balanse, sa gitna ng mga panawagan para sa isa pang wage hike. Jocelyn Tabangcura-Domenden