Dagupeño naka- gold medal sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season

Dagupeño naka- gold medal sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season

December 26, 2022 @ 1:19 PM 1 month ago


DAGUPAN CITY — Sa hilig sa palakasan nagsimula ang karera ni Alberto Ubando, 23-anyos, residente ng Bonuan Boquig, at two-time gold medalist sa katergorya ng men’s high jump.

Ayon Ubando,  lubos niyang ikinagagalak ang pagkapanalo niya sa men’s high jump category bilang kinatawan ng National University (NU) sa naganap na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 na idinaos mula November 30 to December 4, 2022 sa Philsports Track and Field Oval sa Pasig City.

Puspusan ang ginawa niyang paghahanda at page-ensayo para sa naturang kompetisyon upang maibalik ang lakas ng katawan nito lalo na’t batid niya na malalakas din ang mga nakatunggali nito sa nasabing kategorya, kung saan ay ipinahayag nito ang pangamba na makalaban ang kinatawan ng Far Eastern University (FEU).

Ang pagpupursigi  niya  ang nagtulak sa kanya upang makamit ang gintong medalya.

Ayon kay Ubando na matagal na siyang sumasali sa mga paligsahan sa palakasan kung saan una siyang nawili sa football at basketball bago nito nadiskubre ang iba pang larangan ng palakasan.

Nagpapasalamat siya sa lahat ng tagasuporta niya, lalong lalo na sa kanyang mga magulang, mga malalapit na kaibigan, sa kanyang coach na si Romy de Guzman, at gayon na rin sa Panginoon na nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makapasok at maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Target nito Ubando na makasali sa mga susunod pang kompetisyon gaya ng National Open at Philippine National Game sa Marso sa susunod na taon.

Inihayag din ni Ubando na masaya na siya sa kanyang mga napagtagumpayang paligsahan, subalit ituturing niya rin bilang isang malaking karangalan kung mabibigyan ito ng pagkakataon na makasali sa Philippine National Team.

Focus ngayon  si Ubando sa kanyang academics at sports career.

Mensahe naman nito sa mga gustong sumabak sa larangan ng palakasan na pinaka-importante sa lahat ang pagkakaroon ng disiplina at time management at gayon na rin ang pagsusumikap. Binigyang-diin din nito na lahat ay dumadaan sa mga paghihirap, mga pagsubok, at lahat din aniya ay nagsisimula sa baba bago nila marating ang taluktok ng tagumpay.JC