Dahil ‘di sumunod sa utos: 45 Mayor, kinasuhan ng DILG

Dahil ‘di sumunod sa utos: 45 Mayor, kinasuhan ng DILG

March 21, 2019 @ 7:27 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Kinasuhan na sa Office of the Ombudsman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng grave misconduct at dereliction of duty ang nasa 45 Mayor dahil sa umano’y hindi nila pagsunod sa pag-oorganisa ng local anti-drug abuse councils (ADAC).

Sa news release, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ang kaso ay isinampa laban sa 25 Mayor nitong Miyerkules habang ang unang batch naman ng kaso ay naisampa na rin sa 20 iba pang Mayor noong ika-14 ng Marso.

 “Despite several directives from the DILG and the Dangerous Drugs Board (DDB), the concerned mayors still failed or refused to comply with the said orders and their towns are among those that are without an organized and functional ADAC,” sabi ni Año.

“For their refusal or neglect to organize their local ADAC, the 45 mayors have committed grave misconduct in office and gross dereliction of duty,” dagdag pa niya.

Ang DILG at ang Dangerous Drugs Board ay pumirma sa  joint memorandum noong ika-21 ng Mayo 2018 na nag-aatas sa mga LGU na bumuo ng ADAC.

Nanuna nang sinabi ni DILG assistant secretary Ricojudge Echiverri na ang 25 Mayor na nabigong bigyan ng atensyon ang direktiba ng DILG ay dapat disiplinahin, suspindehin o tanggalin sa kanilang pwesto.

Ang mga nagkasalang elective officials ay maaaring disiplinahin, suspindehin o tanggalin sa kanilang pwesto ayon sa Section 60 ng Local Government Code of 1991.

Ang mga Mayor na nahaharap sa kaso ay ang mula sa mga sumusunod na rehiyon:

  • 15 – Bicol Region, partikular na sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon provinces
  • 7 –  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), partikular na sa Basilan, Tawi-Tawi, at Lanao del Sur provinces
  • 5 – Cordillera Administrative Region (CAR), partikular na sa  Abra at Ifugao provinces
  • 5 – Mimaropa, lahat ay mula sa pronbinsiya ng Palawan
  • 4 – Central Visayas, lahat ay mula sa probinsiya ng Cebu
  • 3 – CARAGA, lahat ay sa probinsiya ng Agusan del Norte
  • 3 – Calabarzon, partikular na sa Laguna at probinsiya ng Quezon
  • 2 – Cagayan Valley, isa sa Cagayan province at isa sa Nueva Vizcaya
  • 1 – Eastern Visayas

Ang kasong isinampa sa Ombudsman ay iba pa sa kasong isinampa ng DILG kontra sa ilang mga local na opisyal na umano’y sangkot sa illegal drug trade o nasa narco-list.

Noong nakaraang linggo, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 46 politiko na umano’y sangkot sa illegal drug trade; 35 mayor, 7 vide mayor, isang provincial board member, at tatlong miyembro ng Kamara./Remate News Team

READ: Ilang kasama sa narco-list, ikinanta ni PDU30