Dahil sa baha, isang preso ng QC Jail nasawi sa Leptospirosis

Dahil sa baha, isang preso ng QC Jail nasawi sa Leptospirosis

July 17, 2018 @ 4:45 PM 4 years ago


 

Quezon City – Dahil umano sa paglusong sa baha ipinalalagay na nasawi ang isang inmate ng Quezon City Jail at hindi naiwasan na magkaroon ng sakit na Leptospirosis na naging dahilan ng pagkasawi nito.

Bunsod nito tiniyak ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Senior Inspector Xavier Solda na patuloy ang ginagawang paglilinis ng mga tauhan ng BJMP sa Quezon City Jail upang maiwasan ang kaso ng Leptospirosis matapos maiulat ang pagkasawi ng isang inmate sa naturang bilangguan.

Ayon kay Solda patuloy ang ginagawang paglilinis ng BJMP sa QC Jail sa naturang jail facilities upang maiwasan ang baha at basura na pinagmumulan ng sakit na Leptospirosis.

Sa isang press conference kanina Hulyo 17, 2018 (Martes) sinabi ni Solda na bahagi ng paghahanda ng BJMP sa panahon ng tag-ulan at baha ang linisin ang QC Jail sa basura at dumi upang maiwasan ang sakit na Leptospirosis.

Nauna rito magugunitang isang inmate ng QC jail na kinilala lamang sa pangalang Mark, 29 taong gulang ang nasawi umano dahil sa Leptospirosis nitong nakalipas na June 23, 2018.

Ayon kay QC Jail Warden Superintendent Ermilito Moral, si Mark ay isinugod pa sa East Avenue Medical Center (EAMC) subalit binawian ito ng buhay na naunang na-diagnose sa naturang ospital dahil umano sa acute chronic decease.

“May previous kaming pagbaha dito sa QC Jail nitong nakalipas na Hunyo bakit di nagkaroon ng leptospirosis ang ibang inmate bakit siya lang” ani pa ni Moral.

Nanindigan naman si Moral na duda siya na Leptospirosis ang ikinamatay ng naturang inmate dahil noong naisugod umano ito noong Hunyo 19, 2018 sa East Avenue Hospital ay ang unang findings umano ng mga doktor sa pasyente ay acute chronic decease ang sakit ng inmate.

Tiniyak pa ng QC jail warden na patuloy ang ginagawang paglilinis sa loob ng QC jail upang matiyak na ligtas sa mga sakit ang may 3, 891 inmate. (Santi Celario)