Dahil sa fraud, permit ng mining firm sa Cotabato lagpak

Dahil sa fraud, permit ng mining firm sa Cotabato lagpak

September 19, 2022 @ 2:03 PM 2 weeks ago


COTABATO – Binawi ng lokal na pamahalaan ng Tampakan, South Cotabato ang permit ng isang mining firm sa probinsya dahil sa di-umano ay kinasangkutang fraud at misrepresentationg ng business status nito.

Ayon kay Mayor Leonard Escobillo, kinansela umano niya ang mayor’s permit ng Sagitarrius Mines Inc. na nauna niya nang binigyan ng pahintulot na mag-operate sa lungsod.

Dagdag pa ni Escobillo, mahigpit lamang niyang ipinapatupad ang Municipal Tax Code of 2012 na nagbibigay ng kapangyarihan sa alkalde na irevoke o i-deny ang business permit ng isang kompanyang mapapatunayang nagbibigay ng maling pahayag o impormasyon.

“There’s nothing personal in this case. We are just doing our obligation, which is to implement our tax ordinance,” anang alkalde.

Ang pagbawi ng permit ay matapos na maghain ng petisyon ang SMI laban sa Tampakan LGU na humihiling na bigyan sila ng temporary restraining order sa pangongolekta ng P397-milyon halaga ng accumulated taxes at surcharge na hinihingi ng lokal na pamahalaan mula sa naturang kompanya.

Maliban dito, ayon kay Nena Santos, legal counsel ng Tampakan LGU, nagbigay umano ng maling pahayag ang naturang mining firm kasabay ng aplikasyon nito sa mayor’s permit na isa rin sa dahilan ng pagkansela nila dito.

“The company falsely claimed that they are already into manufacturing,” ani Santos. RNT/JGC