Dahil sa mga nangyayaring gulo sa Nicaragua, mga Pinoy, binigyan ng pagkakataong umuwi sa bansa – DFA

Dahil sa mga nangyayaring gulo sa Nicaragua, mga Pinoy, binigyan ng pagkakataong umuwi sa bansa – DFA

July 19, 2018 @ 1:58 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines -Patuloy na inaalok ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Huwebes (July 19) ang mga Pinoy sa Nicaragua na umuwi sa bansa dahil sa kasalukuyang kaguluhan na nagresulta na sa pagkamatay ng ilang indibiduwal sa naturang bansa.

“We would like to assure our kababayan in Nicaragua that we are ready to fly them home anytime,” sabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isang statement.

Mayroon lamang 86 na Pinoy sa Nicaragua ayon sa DFA. Wala pa namang naitatalang naapektuhan ng kaguluhan sa kanila.

Tatlong Pinoy na ang kasalukuyang nag-avail ng alok ng DFA ayon kay Cayetano. Inilipad na ang mga ito mula sa Managua noong July 8 at nakarating na ng Maynila noong July 10.

Sa ulat, halos 275 na indibiduwal na ang namatay sa Nicaragua simula noong sumiklab ang protesta noong April dahil sa plano ng administrasyon ni President Daniel Ortega na bawasan ang pension benefits. Ang ginawang pagresponde ng gobyerno ang siyang nagpasiklab ng malawakang protesta sa pamamahala ni Ortega.

Si Ortega ay dating lider ng Marxist guerilla na umupo sa opisina noong 2007.

Sinabi rin ni Cayetano na ang embahada ng Pilipinas sa Mexico, sa ilalim ni Ambassador Demetrio Tuason, ay patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa naturang bansa.

Nauna nang nagpadala si Tuason ng grupo sa Managua upang kontrolin ang sitwasyon.

Sa pangunguna ni Consul Ma. Carmela Teresa Cabrera, nakipagkita ang grupo sa Filipino community kung saan pinahatid nila ang pag-aalala ng gobyerno sa kanilang kaligtasan. (Remate News Team)