Dahil sa umiiral na red tape: Limang ahensiya ng pamahalaan, namumuro kay Pangulong Duterte

Dahil sa umiiral na red tape: Limang ahensiya ng pamahalaan, namumuro kay Pangulong Duterte

July 25, 2018 @ 9:06 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Namumuro na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang limang ahensiya ng pamahalaan na patuloy na may umiiral na red tape.

Ang red tape ay katiwalian at mapagmalabis na mga regulasyon na sumisira sa mahigpit na pagsunod sa mga pormal na batas at panukala.

Ito ay mga hadlang o pumipigil sa mga tamang sistema, makatarungang aksyon at lehitimong pagdedesisyon ng isang institusyon, organisasyon o pamahalaan.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ayaw na ayaw ng Pangulo na nagtatagal ang serbisyo ng bawat ahensiya, departamento at tanggapan ng gobyerno sa sambayanan.

“Siyempre tagal ng serbisyo, kaya ang sabi ni Presidente, i-implement na ngayon ang anti-red tape law,”ani Sec. Roque.

Tinawagan naman ng pansin ni Pangulong Duterte ang mga ahensiya ng pamahalaan na may malaking bilang na reklamo ng red tape mula sa publiko.

Binalaan ng Pangulo ang mga ito na gawing makatotohanang customer-friendly ang kanilang serbisyo sa bayan.

“Our people deserve efficient, effective, and responsive government services. They deserve nothing less.Kayo lang ang ayaw eh. Gusto ng tao kayo ‘yung binabayaran, make your living from the pockets of the people and you have a lousy and corrupt bureaucracy,” ani Pangulong Duterte.

Paulit-ulit na aniya niyang sinasabi na tigilan na ang korapsyon.

Ang korapsyon aniya ay parang linta na sinisipsip ang pondo ng pamahalaan na para ilalaan sana sa infrastructure at iba pang social development projects.

Sinisira nito ang morale ng mga dedicated at honest government workers.

“Corruption destroys those who succumb to its temptation and eventually it is the innocent who will suffer and bear its horrible consequences,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Sa kabila ng tinutugis ng pamahalaan ang mga taong nangingikil kapalit ng serbisyo ng gobyerno ay pinaigting naman nito ang delivery ng fronline services ng pamahalaan sa pamamagitan ng Ease of Doing Business [Act] na napakahalaga aniya para labanan ang korapsyon at mapabuti pa service delivery ng gobyerno.

Kailangan ayon sa Pangulo na mapanatili ang momentum ng hakbang na ito ng pamahalaan.

Kaya nga kinalampag ni Pangulong Duterte ang lahat ng local government units (LGUs) na mahigpit na i-implementa ang Ease of Doing Business [Act]

“Makinig sana kayo — and government agencies to faithfully implement this law and simply simplify the process. Hinihingi ko ho ‘yan sa lahat nasa gobyerno under my control and supervision. Huwag ho kayong magkamali,” diing pahayag ng Pangulo. Kris Jose