DAHILAN PARA MANGAMBA

DAHILAN PARA MANGAMBA

March 2, 2023 @ 12:43 AM 4 weeks ago


SINASABI ko na nga ba. Ang pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. na ikinasugat niya at ikinasawi ng apat niyang tauhan ay patikim pa lang sa malaking problemang makaaapekto sa larangan ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad.

Naninindigan para sa kapayapaan si Adiong, puntirya ang kaunlaran ng kanyang lalawigan. Hindi siya iyong tipong maraming kaaway. Kaya ang pag-atake sa kanya sa isang bagitong autonomous region ay malinaw na paghamon sa administrasyong Marcos, sa polisiya nito para sa pambansang seguridad, at sa kakayahang maproteksiyunan ang kapayapaan at kaayusan.

Ilang araw makalipas ang pananambang kay Adiong, napatay si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan, kasama ang limang iba pa sa insidente ng pamamaril sa Nueva Ecija. Makaraan ang ilang araw, nasugatan naman si Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur, sa isa pang ambush sa Pasay City.

Ngayon nangangamba si Speaker Martin Romualdez para sa seguridad ng mga mambabatas. May dahilan ba para mag-alala siya?

Mga pabor sa Cha-cha

Hindi big deal ang ‘Charter change’ sa Senado dahil sa ilang kadahilanan na hindi maunawaan ng pangunahing nagsusulong nito, si Sen. Robinhood Padilla.

Pero interesante kung paanong ipagyabang ni Padilla na kalahati raw ng kabuuang bilang ng mga senador ang nakasuporta sa kanyang adhikain, kabilang ang kapwa niya taga-PDP-Laban na sina Ronald “Bato” dela Rosa, Christopher “Bong” Go, at Francis Tolentino; ang mag-inang Cynthia at Mark Villar; ang magkakaibigang dating artista na sina Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr., at Lito Lapid; ang dalawang minorya na sina Koko Pimentel at Risa Hontiveros; at si Sen. Sherwin Gatchalian.

Gayunman, walang sinuman sa kanila, maliban kay Dela Rosa, ang hayagang nagpahayag ng suporta sa kanyang “mission impossible.” At si Senate President Migz Zubiri, na may hyper sense ng mayorya at ng Punong Ehekutibo, ay lantaran nang ibinasura ang posibilidad na aprubahan iyon sa plenaryo.

Mistulang matindi yata ang insensitivity ni Padilla sa pinapaboran ng nakararami, tulad ng kung gaano naman siya ka-sensitive sa anomang usaping hindi maganda ang dating sa kanyang ego at relihiyon.

Pagbuwag sa party-list

Mismong si Dela Rosa ay walang gana sa pagkalap ng suporta ng 18 senador pabor sa panukalang Cha-cha. Pero sakaling himala na buksan ang Konstitusyon sa mga pagbabago, sinabi niyang gusto niyang buwagin na ang party-list system dahil nagdodoble-doble lang daw ang congressional representation.

Nitong Linggo, sumang-ayon si Padilla na dapat nang alisin sa Kamara ang party-list groups at palakasin na lang ang sistema ng partido politikal. Sa bahaging ito, sa unang pagkakataon ay sumasang-ayon ako sa “Duterte boys” na ito sa Kongreso.

Pangunahing problema ko sa party-list sa Kongreso ay iyong wala alinman sa nasa marginalized sectors – mga magsasaka at mangingisda, mahihirap, manggagawa, at iba pa – ang totoong kinakatawan ng mga mambabatas.

Sa halip, ipinakakalat ang mga ideyolohiyang makakaliwa gamit ang kunwaring sectoral representation. Nariyan ang oligarchs, political dynasties, at walang kuwentang personalidad mula sa showbiz o social media na umookupa ng upuan sa Kamara para sa mga adbokasiya at sektor na ang kapakanan ng publiko ay hindi naman prayoridad sa mga panukalang kanilang inihahain o sa mga batas na pinagbobotohan nila para maaprubahan.
* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.