Dalaga ginahasa ng kawalwalang chatmate

Dalaga ginahasa ng kawalwalang chatmate

October 26, 2022 @ 4:20 PM 1 month ago


San Rafael, Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang dalagang 21-anyos na umano’y ginahasa ng kainumang binatilyo na kanyang nakilala lamang sa Facebook group chat.

Kinilala ang suspek sa alyas SJ, construction worker, residente ng Brgy. Mabalas-balas, San Rafael, habang ang biktima ay itinago sa pangalang “Jen”, ng Brgy. Talampas, Bustos.

Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang bandang 6:35 ng umaga nitong Oktubre 23 sa bahay ng suspek.

Ayon sa report, nagkakilala, nagkapalagayan ng loob ang suspek at biktima sa group chat hanggang sa magkasundong magkita ang mga ito.

Nang magkita ay isinama naman ng suspek ang biktima sa isang bar hanggang sa magkainuman ng ilang oras at malasing ang mga ito.

Napag-alamang kinayag ng suspek ang biktima sa kanyang bahay hanggang sa puwersahang gahasain ang nanghihinang katawan nito.

Dahil dito, nang makauwi at makabuwelo ay nagsumbong ang biktima sa kanyang ina na humingi naman ng saklolo sa pulisya na agad rumesponde kaya naaresto ang suspek.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III