Dalaga sinaksak ng selosong manliligaw

Dalaga sinaksak ng selosong manliligaw

July 9, 2018 @ 3:46 PM 5 years ago


Caloocan City – Kritikal sa pagamutan ang 28-anyos na babae matapos pagsasaksakin ng manliligaw na nagselos sa kanyang mga ka-board mates sa Caloocan City, kaninang umaga.

Ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Delaila Entoy, 28 ng Purok 4, Borbon San Francisco, Agusan Del Sur at pansamantalang naninirahan sa 117 Macabagdal St., Brgy. 88.

Ipinag-utos na ni Caloocan police chief Sr. Supt. Restituto Arcangel sa kanyang mga tauhan ang fallow-up operation kontra sa suspek na nakilalang si Bryan Gastardo, tubong Bulacan na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Olpindo, kamakalawa ng gabi, bumisita si Gastardo sa boarding house ng biktima kung saan nag-inuman ang mga ito kasama ang iba pang mga nangungupahan sa naturang boarding house na tumagal hanggang umaga.

Dakong alas-6 ng umaga, sinabihan ng biktima si Gastardo na umuwi na subalit, tumanggi ito at sa halip ay ipinagpilitan nitong manatili at matulog kasama ang dalaga.

Lumabas ang biktima sa boarding house subalit, sinundan ito ng suspek at walang sabi-sabing inundayan ng mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan kaya mabilis itong isinugod ng kanyang mg aka board mates sa CCMC hospital.

Napag-alaman na nagselos ang suspek sa ibang ka board mates ng biktima. (Rene Manahan)