Dalagang drug runner patay sa asin na ipinalit sa shabu

Dalagang drug runner patay sa asin na ipinalit sa shabu

September 11, 2022 @ 3:00 PM 3 weeks ago


CEBU CITY- Duguang bumulagta ang isang dalaga na kilalang drug runner matapos pagbabarilin ng umano’y parokyano nito makaraan palitan ng asin ang shabu Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Riza Barbosa, 19,tubong Barangay Duljo- Fatima at residente sa Sitio Nava, Barangay Mambaling, Cebu City.

Ayon kay Patrolman Glendale Cabañero, ng Mambaling Police Station, Sabado ng hapon naganap ang krimen sa Spolarium St. in Sitio Panaghiusa, Barangay Duljo-Fatima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakaupo lamang ang biktima sa nasabing lugar ng bigla itong lapitan ng suspek at pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen pakaswal lamang na naglakad ang suspek patungong Sitio Bayotan na tila walang nangyari.

Nabatid, na kalalabas lamang kulungan ng biktima dahil sa sugal-lupa.

Kwento naman ng mga nakakakilala sa biktima na ang ikinabubuhay ni Barbosa ay taga deliver ng shabu subalit pinapalitan niya umano ng asin.

Sa pagresponde ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng 5 basyo ng bala mula sa .45 kalibre na baril.

Patuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip nito. Mary Anne Sapico