Dalagang nawawala, natagpuang naaagnas sa gilid ng sapa

Dalagang nawawala, natagpuang naaagnas sa gilid ng sapa

July 7, 2022 @ 7:27 AM 1 month ago


BULACAN-Hustisya ang isinisigaw ng mga mahal sa buhay ng 24 anyos na dalagang tatlong araw na nawala hanggang sa makitang naaagnas sa madamong lugar at gilid ng sapa sa lungsod ng Malolos.

Kinilala ang natagpuang bangkay na si Princess Dianne Dayor,residente ng Dulate st.Brgy. Tabang,Guiguinto.

Sa report ng Malolos police natagpuan ang bangkay nitong hapon ng Hulyo 5 sa pagitan ng Brgy.Tabang at Brgy. Tikay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon,nadiskubre ng residente sa lugar ang bangkay na umpisa nang umalingasaw na nakasuot ng gray jacket,pink shirt,maong pants,may taas na 5’0 hanggang 5’3 taas at may suot na bracelet sa kaliwa at kanang braso.

Dahil dito agad nilang inireport sa pulisya ang nakita na agad rumesponde at nagsagawa ng imbestigasyon sa naturang lugar.

Mas lalong nakilala ng pamilya ang bangkay sa punerarya nang makita ang tattoo sa katawan at ilang kagamitan ng biktima.

Nalaman din pa sa report na nawawala ang iphone 11 cellphone at ang wallet ni Princess Dianne.

Ang biktima ay huling nakita bandang 5:30 ng umaga noong Hulyo 2 sa Brgy.Tabang na papasok sana sa kanyang trabaho.

Sinasabing may bakas ng sakal sa leeg at posibleng sinakal ng suspek gamit ang napigtas na sling ng handbag ng biktima na kalaunan ay natagpuang nakasubsob sa lupa at umpisa nang maagnas.

Nakatakdang sumailalim ang bangkay sa autopsy habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para mahuli ang salarin.

Patuloy na sumusigaw ng hustisya ang pamilya lalo na ang ina ni Princess na nangakong hahanapin nila ang salarin.

Kaugnay nito,sa isang Facebook post ni Guiguinto Mayor Atty.Agay Cruz,nitong Hulyo 6,magbibigay siya ng P200,000 habang P300,000 naman si Malolos Mayor Atty. Christian Natividad sa sinumang makakapagturo at makapagbibigay ng impormasyon tungkol dito. Dick Mirasol III