Dalagang tumalon sa Intramuros-Binondo bridge nasagip ng PCG

Dalagang tumalon sa Intramuros-Binondo bridge nasagip ng PCG

November 21, 2022 @ 5:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 22-anyos na dalaga na tumalon sa Intramuros-Binondo bridge na sakop ng Pasig River.

Ayon sa PCG, residente ng Las Pinas City ang naturang dalaga na nasa maayos nang kondisyon.

Itinurn-over na rin siya ng PCG Station Malacanang sa Barangay 656 na nakakasakop sa lugar para sa kinakailangang tulong at maipagbigay-alam sa kanyang pamilya ang nangyari.

Napag-alaman na itinawag ang insidente sa Coast Guard – Malacanang station kaya agad na nakapagpadala sa lugar ng rescue team.

Dahil sa maagap na pagresponde, agad na nailigtas ang biktima bago pa man ito tuluyang tangayin ng agos at malunod.

Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye ang PCG sa dahilan ng pagtalon ng biktima sa ilog maging ang kanyang pagkakilanlan ay hindi na rin binanggit. Jocelyn Tabangcura-Domenden