Dalagita dinalirot ng TNVS driver

Dalagita dinalirot ng TNVS driver

January 4, 2023 @ 8:47 AM 1 month ago


MANILA- Kulungan ang kinasadlakan ng isang nagpakilalang Transportation network vehicle service (TNVS) driver matapos patunayan na “basta’t driver sweet lover” makaraan molestiyahin ang 17-anyos na dalagita na kanyang pasahero, kahapon sa Quezon City.

Ayon kay QCPD District Director Brigadier General Nicolas Torre III, nadakip nila ang suspek na hindi pinangalanan at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Sinabi ni Torre, humingi ng tulong ang 17-anyos na dalagita sa isa sa kanilang mga pulis hinggil sa pangmomolestiyang ginawa ng suspek.

Kwento ng biktima na itinago sa pangalang Nena, nanggaling siyang Quezon City at unang sumakay ng taxi papuntang Seaside Boulevard, Taft, Pasay City.

Subalit, hindi pa man sila nakakalayo ay agad na bumaba ang biktima matapos siyang singilin sa halagang P800.00.

Ilang minuto ang makalipas, nilapitan siya ng suspek at nagpakilalang TNVS driver pero tinanong niya ito kung magkano ang bayad hanggang Taft, Pasay.

Sumagot naman ang suspek na e-metro na lamang basta duon siya uupo sa harapan ng sasakyan at pumayag naman ito.

Pag-andar ng sasakyan sinimula na siya ng suspek na purihin hanggang sa pinaghihimas ang maseselang bahagi ng kanyang katawan hanggang sa maisakatuparan ang makamundo nitong pagnanasa.

Sa takot ni Nena, hindi na siya nakapalag at hinayaan na lamang niya ang suspek at hiningi pa ang kanyang social media account kaya ibinigay niya na rin ito at agad siyang pinadalhan ng mensahe ng suspek.

Nakakuha ng pagkakataon ang biktima at nagawa niyang magsabi sa suspek na bababa na siya at ibinaba naman siya nito na walang pagdududa.

Pag-alis ng sasakyan ng suspek agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima at nagsumbong tungkol sa ginawang pangmomolestiya sa kanya.

Pinadalhan ng mensahe sa messenger ng biktima ang suspek na muli silang magkita sa Quezon City pero lingid sa kaalaman ng driver mga pulis ang naghihintay sa kanya sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip nito./Mary Anne Sapico