Dalagita dinukot ng puting van

Dalagita dinukot ng puting van

August 9, 2022 @ 4:00 PM 2 months ago


ORMOC CITY – Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang naganap na pagdukot sa isang 15-anyos na dalagita ng mga hindi pa kilalang kalalakihan at isinakay sa puting van noong Linggo sa Ormoc City.

Batay sa report ng Ormoc City Police Station 1, dakong alas-7 ng gabi naganap ang insidente sa labas ng bahay ng biktima na itinago sa pangalan Nena sa Barangay Camp Downes, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, may bibilhin lamang sana ang dalagita sa tindahan ng biglang sundan ito ng mga suspek saka isinakay sa puting van at dinala sa isang abandonadong kwarto.

Nagawa naman makapag-text ng biktima na itinago sa pangalan Nena, sa kanyang ama na isang driver at sinabing dinukot siya ng mga lalaki saka isinakay sa van.

Agad naman nagtungo sa nasabing himpilan ng pulisya ang ama ng biktima at ipina-blotter na nawawala ang kanyang anak.

Nagpost naman sa social media tungkol sa naganap na pagdukot sa dalagita at kinabukasan ng Linggo, ibinaba ng mga suspek si Nena malapit sa kanilang bahay.

Kaagad naman dinala sa OSPA Farmers Medical Center Ormoc ang biktima at isinailalim sa physical examination at walang nakikitang palatandaan na inabuso o minolestiya.

Kwento ng dalagita, hindi niya matandaan ang lugar na pinagdalhan sa kanya at tanging pagtatanong lamang ng mga suspek tungkol sa kanyang ama.

Habang nasa gitna ng pagsisiyasat ng mga awtoridad, nadiskubre na nagpadala ng text message ang mga suspek sa ama ng dalagita at nakasaad na hawak nila ang kanyang anak na babae at palalayain lamang ito kapag nakipagkita siya.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa nasabing insidente habang nakauwi na sa kanilang bahay ang biktima at nasa maayos na kondisyon. Mary Anne Sapico