Dalagita ginahasa, pinatay ng lasing sa Cavite

Dalagita ginahasa, pinatay ng lasing sa Cavite

September 14, 2022 @ 1:20 PM 3 weeks ago


TRECE MARTIRES, Cavite – Walang saplot pang ibaba ng matagpuan ang bangkay ng isang 16-anyos na dalagitang estudyante matapos gahasain at patayin sa ilalim ng tulay ng lasing na suspek nitong Lunes, Setyembre 12 sa lungsod na ito.

Tugis naman ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Elden Alegria, 33-anyos, construction worker, tubong Talisay, Negros Occidental at residente Barangay Cabuco, Trece Martires City, Cavite.

Batay sa report ng Trece Martires City Police Station, natagpuan na lamang ang bangkay ng biktima sa ilalim ng Forever Bridge Sunshine Ville Subdivision, ng naturang lungsod.

Narekober rin ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang isang folding knife, sumbrero na kulay pula, kulay rosas na face towel, isang pares ng tsinelas na may bahid ng dugo at kulay asul na brief.

Nagtungo naman sa himpilan ng pulisya ang live-in partner ng suspek na si Imelda Aberilla, 46-anyos at positibong kinilala na ang mga gamit na natagpuan sa lugar ay pag-aari ni Alegria.

Sa salaysay ni Aberilla, bago ang krimen nag-away sila ng suspek hanggang sa umalis ito ng bahay at nakipag-inuman malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Sinabi naman ng ama ng biktimang hindi pinangalanan, hindi nagpaalam sa kanya ang anak kung saan ito pupunta ng umalis ng kanilang bahay Linggo pasado 10:00 PM hanggang sa hindi na ito nakauwi kinabukasan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may kadiliman ang lugar at posibleng napadaan ang biktima at nakita ito ng suspek hanggang sa siya napagtripan.

Ayon kay Cavite Provincial Police Office, OIC Col. Christopher Olazo, may posibilidad na ginahasa ang biktima dahil nakababa ang pang-ibabang kasuotan nito nang matagpuan.

Nanawagan naman si Olazo sa publiko na sinumang nakakakilala sa suspek ay agad ipagbigay-alam sa pulisya para sa ikadarakip nito at managot sa karumal-dumal na krimen. Mary Anne Sapico