Dalagita na dumalo sa birthday party, ginahasa saka pinatay

Dalagita na dumalo sa birthday party, ginahasa saka pinatay

November 15, 2022 @ 12:48 PM 3 weeks ago


BOGO, Cebu- Walang saplot nang matagpuan ang bangkay ng isang dalagita sa masukal na damuhan na pinaniniwalaan ginahasa saka pinatay ng hindi pa kilalang suspek noong Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Jeanelle Maekylla Royos, 15-anyos, grade 10 student at residente sa Purok Rosal 1, Barangay Gairan, Bogo City.

Batay sa report ng Bogo City Police Station, bandang alas-3 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa damuhan sa Purok Magenta, ng nabanggit na barangay.

Ayon sa isang Glenda, residente sa nasabing lugar, nagpapastol siya sa kanyang alagang kambing ng bumulaga sa kanyang harapan ang hubo’t hubad na bangkay ng biktima.

Agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad at ipinaalam ang pangyayari.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar nakita nila ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima.

Kwento naman ng kaibigan ng biktima na si Bhalcy Pepito Bercero, 19, bago ang krimen galing sila ng birthday party at nagpasyang umuwi dakong alas-12 ng hatinggabi.

Nagtaka na lamang siya kung bakit hindi man lamang sa kanya nag-chat ang biktima kung nakarating na ito sa kanilang bahay.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa suspek at managot sa krimen. Mary Anne Sapico