Dalagitang hinuli, binugbog sa ‘buy-bust’; Morong policemen, pinagtatakpan ni hepe

Dalagitang hinuli, binugbog sa ‘buy-bust’; Morong policemen, pinagtatakpan ni hepe

July 9, 2020 @ 9:27 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sa ngalan ng patas na pamamahayag, kinuha ng Remate News Team ang panig ni Morong Municipal Police Station officer-in-charge, P/Capt. Juan Carlo Porciuncula, kaugnay ng akusasyon ng mga kaanak ng 16-anyos babaeng binugbog umano ng mga tauhan ng Morong Police matapos tumangging sumama sa mga ito para gawing “asset” laban sa illegal drugs.

Ayon kay Capt. Porciuncula, isang lehitimong “drug buy-bust operation” ang isinagawa ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakaaresto sa 16-anyos na dalagita at sa kanyang ama at sa dalawa pa sa kahabaan umano ng national road ng Morong Rizal.

Paliwanag ng opisyal, nag-commute umano ang mag-ama pagpunta sa Morong kung saan nangyari ang buy-bust at pagkakadakip sa mag-ama maging sa dalawa pa.

Ngunit nang tanungin ng Remate News Team si Capt. Porciuncula kung saan eksakyong lugar sa “kahabaan ng national highway” nangyari ang buy-bust ay wala siyang maibigay na eksaktong sagot o eksaktong lugar.

Pinalagan naman ng mga kaanak ng biktima ang paliwanag ni Capt, Porciuncula at kanilang pinanindigan na kinuha ang mga biktima sa loob ng kanilang talyer o garahe sa Binangonan, Rizal.

Ang Binangonan, Rizal ay hindi na hurisdiksyon ng Morong Police at kung totoo ito ay iligal ang ginawang pag-aresto sa dalagita at sa kanyang ama.

Nagtataka ang mga kaanak sa sinabi ng hepe na nag-commute raw ang grupo ng mag-ama gayong wala pa namang bumibiyaheng public transport sa nasabing lugar.

Nabatid na sa naturang umanong “raid” ay sinaktan ng mga pulis ang dalagita at hinalughog pa ang loob ng kanilang bahay.

Nang makita ng ama na sinaktan ang kanyang anak ay pumalag ito kaya maging siya ay “ikinarga” sa sasakyan ng mga pulis, kasama ang dalawang tauhan sa talyer.

Matatandaang lumapit sa Remate News Team ang mga kaanak ng mag-ama dahil sa pag-abuso at pananakit na ginawa ng mga pulis sa dalagita.

Nakunan ng larawan ang dalagiita na maraming pasa sa katawan, hinihinalang dulot ng pananakit ng mga pulis.

Anila, iligal din ang ginawang pagdakip ng mga pulis na pinalalabas na buy-bust ang nangyari.

Nang tanungin ng Remate News Team si Capt. Porciuncula kung bakit nagkapasa-pasa ang dalagita sa katawan, maging siya ay umano nagtataka.

“Prior doon sa pagkaka-detain sa PNP after na ma-turn over sa MSWD napa-medical namin ‘yan, wala naman pong sugat ang bata tapos after inquest po kasi sir ah nagkaroon pa ng desisyon si piskal na ah bale sa kaso ng bata ay pumasok sa Section 5,” paliwanag ni Capt. Porciuncula.

Ngunit ayon kay Janine, kapatid ng biktima, walang katotohanan ang sinabi ng opisyal na ipina-medical ang mga naarersto.

“Sabi ho sir ng kapatid ko, tinimbang lang sila ng papa ko tapos ikinulong na sila. ‘Yan po ba ang sabi nila na ipina-medical?” pahayag ni Janine.

READ: Tumanggi maging ‘asset’ dalagita binugbog ng pulis, ikinulong

“Kausap namin ang tatay niya, hindi naman namin sinasabi na ganito ang nangyari pero kumbaga posible na isa sa mga nangyari e ‘yung bata po kasi, wala naman s’yang kasama eh, hindi naman namin s’ya isinama sa facility na regular na mga preso eh,” wika pa ng opisyal.

“Sabi ng tatay, may history ang bata na naglalaslas, sinasaktan ang sarili. Maaari pong ganun, pero maaari pong ganun ang nangyayari. Pina-medical po namin ‘yung bata eh prior s’ya mapunta sa custody namin…Immediately after ng buy-bust pina-medical namin s’ya.” giit ni Capt. Porciuncula.

“Willing po kami na sagutin lahat ng problema nila. Wala po kaming itinatago, wala kaming ginawang masama. Kami sa Morong PNP po ay nagtatrabahao lang ng maayos. Tinutulungan lang namin ang administrasyon na gawin ang mga bagay na kailangan para matapos ang problema sa droga,” anang pa ng hepe.

Isiniwalat pa ng hepe na minsan nang inaresto ang dalagita sa kasong pagdadala o possession of illegal drugs.

Inamin naman ni Janine na ang dating boyfriend ng kapatid ay nahuli at nakulong dahil sa droga.

Kaya giit pa kay Janine, isang pulis na alyas “Celestra” ang gustong kumuha sa kanyang kapatid na maging “asset” dahil sa pag-aakala ng mga pulis na may-alam ito sa kalakaran ng droga sapagkat sangkot nga sa illegal drugs ang dating boyfriend ng dalagita.

Kaugnay nito, nanawagan si Janine sa mga netizen na nakakuha ng picture at video nang mga oras na damputin ng mga pulis ang kanyang kapatid at ama sa kanilang talyer sa Binangonan.

Aniya, hindi dapat nakakulong ang kanyang ama at kapatid dahil wala naman silang ginagawang kasalanan.

“Mga pulis na ‘yan ang mga dapat nakakulong dahil mga abusado sila,” ani Janine.

Dahil dito, nananawagan ang mga kaanak ng mag-ama sa Commission on Human Rights na masusing imbestigahan ang ginawa ng Morong Police sa mag-ama. RNT/TOTO NABAJA


  •  
  •  
  •  

Loading...