Dalawa pang bansa, tutulong sa oil spill cleanup – OCD

Dalawa pang bansa, tutulong sa oil spill cleanup – OCD

March 16, 2023 @ 4:02 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, Marso 16, na dalawang bansa pa ang nagpahiwatig na tutulong sa oil spill cleanup sa Oriental Mindoro.

“As of the latest report, aside from Japan, there are two other countries pa po na nag-express ng kanilang intent to help,” sinabi ni OCD information officer Diego Agustin Mariano sa panayam ng CNN Philippines.

Ipinaliwanag niya na sasabihin din sa mga susunod na araw kung anong bansa ang mga ito matapos na tanggapin ng Office of the President ang tulong sa pamamagitan ng endorsement ng OCD.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, dumating sa bansa ang Japanese representatives para tumulong sa paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill makaraang lumubog ang MT Princess Empress malapit sa bayan ng Naujan noong Pebrero 28.

May karga ang naturang tanker ng nasa 900,000 litro ng industrial oil.

Maliban sa mga tauhan, dumating din sa bansa ang mga kagamitan na ibinigay ng pamahalaan ng Japan para sa oil spill cleanup.

Ayon kay Mariano, mahigit 31,600 pamilya o 145,000 residente na ang apektado ng oil spill na umaabot na hanggang northern Palawan.

Mayroon namang 175 katao ang nagkasakit dahil dito. RNT/JGC